Virac, Catanduanes – Sa pagtatapos ng substitution of candidates noong Nobyembre 29, 2018, buo na ang desisyon dating bise gobernador na huwag nang tumakbo sa kaparehong posisyon sa darating na halalan sa kabila ng mga espikulasyon ng mga nakaraang araw.

Sa isang eksklusibong panayam ng Radyo Peryodiko, ipinahayag ni dating bise gobernador Jose ‘Bong’ Teves na hindi na siya lalahok sa lokal na halalan at ipinauubaya na umano niya ang posisyon kay incumbent Vice Governor Shirley Abundo.

Last hour noong last day of filing ng COC nang maghain ng kandidatura bilang bise gobernador ang tauhan ni Teves na si Wawie Tapel. Ang paghahain ni Tapel ng kandidatura ay agad namang inamin ni Teves na ayon sa kanyang utos at bilang reserba sakaling magdesisyon umano siyang tumakbo bilang bise gobernador.

Paliwanag noon ni Teves, sumama umano ang kanyang loob sa mga kwentong nakarating sa kanya mula umano sa kampo ng mga Abundo na itinanggi naman ni VG Shirley.

Ngunit noong nakaraang linggo, huling araw para sa substitution, kinumpirma ni Teves na hindi na siya tatakbo sa nasabing posisyon. Ayon sa kanya, nagkausap na sila ni VG Shirley at ng iba pang personalidad at nagkapaliwanagan sa mga isyu na dati ay walang linaw.

Dagdag pa ni Teves, pinigil din umano niya ang iba pang personalidad na gustong humalili kay Wawie dahil ayon sa kanya, nagkausap na sila ni Abundo at buo na umano ang kanyang desisyon.

Samantala, kinumpirma naman ni VG Abundo ang paghaharap nila ni Teves.

Advertisement