FICELCO, inirekomenda sa Kongreso na tanggalan ng prankisa

0
3538

Virac, Catanduanes- Isa ang First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) sa mga inirekomenda ng Department of Energy (DOE) sa Kongreso na tanggalan ng prankisa dahil sa pagiging underperforming, financially and technically distressed electric cooperatives sa bansa.

Sa sulat na nilagdaan ni DOE Sec. Alfonso Cusi na may petsang Enero 11, 2019, hiniling nito sa tanggapan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na tanggalan ang FICELCO at labing-anim (16) na iba pang kooperatiba ng prangkisa base na rin sa findings at report ng National Electrification Administration (NEA).

Batay umano sa Section 46 ng Republic Act No. 9136 o An Act Ordaining Reforms in the Electric Power Industry, at base sa report ng NEA sa mga underperforming, financially and technically distressed electric cooperatives, inirerekomenda nito ang kanselasyon ng mga franchise to operate.

Kasama ng FICELCO sa pinakakaselang prankisa sa bicol region ay ang Camarines Sur III Electric Cooperative (CASURECO III) ,   Albay Electric Cooperative (ALECO), Masbate Electric Cooperative (MASECO), Ticao Island Electric Cooperative (TISELCO). Kasama rin ang Abra Electric Cooperative (ABRECO), Pampanga III Electric Cooperative (PELCO III), Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO), Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO), Palawan Electric Cooperative (PALECO), Zamboanga City Electric Cooperative (ZAMCELCO), Davao Del Norte Electric Cooperative (DANECO), Basilan Electric Cooperative (BASELCO), Sulu Electric Cooperative (SULECO), Tawi-Tawi Electric Cooperative (TAWELCO), Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO), at Lanao Del Sur Electric Cooperative (LASURECO).

Kaugnay nito, bumabalangkas na umano ang DOE ng policy recommendation upang ikonsidera ng Kongreso ang pag-adopt ng proseso sa competitive selection sa mga prankisa para sa mga potential na aplikante.

Matatandaang ilang ulit ng bumalik ang mga kinatawan ng NEA upang imbestigahan ang mga transaksyon at operasyon ng FICELCO. Napag-alamang, maraming depekto ang natuklasan ng NEA dahilan upang irekomenda ng DOE na tanggalan ito ng prankisa. (RD4)

Advertisement