VIRAC, CATANDUANES – Nasungkit ng bayan ng Virac ang Seal of Good Local Governance (SGLG) Award para sa taong 2019 kasama ang walo pang munisipyo sa buong Bicol, apat na lungsod at isang lalawigan.
Tanging ang Virac LGU sa buong Catanduanes ang lumusot sa metikulusong balidasyon ng DILG Team para sa nasabing parangal, kung saan sinilip nito ang lahat ng aspeto ng pamamahala ng lokal na gobyerno mula sa mga pinaiiral na programa, mga balakin para sa kaunlaran at maging sa pananalapi.
Ito ang panibagong SGLG Award ng Virac matapos itong mabigo na makuha ang nasabing parangal noong nakaraang taon.
Matatandaang, huling nakuha ng Virac ang SGLG Award sa kaparehong period, nang maupo rin bilang bagong alkalde noong 2016 si Mayor Sammy Laynes mula kay Mayor Flerida Alberto at nasundan ito noong 2017, subalit nabigo noong 2018.
Kasama ng Virac sa municipal level ang mga bayan ng Bulan, Irosin, Juban at Pilar ng Sorsogon; Magarao at Tigaon ng Camarines Sur, Paracale sa Camarines Norte at Polangui ng Albay. Sa City level ay ang mga lungsod naman ng Iriga, Legazpi, Ligao at Masbate City ang nakasungkit ng parangal. Lalawigan ng Camarines Norte ang tanging SGLG Awardee ngayong taon.
Wala pang schedule na inilalabas ang DILG para sa isasagawang awarding. Maliban sa cash prize na 2-3 milyong piso, magiging accessible din para sa Virac bilang SGLG Awardee ang maraming proyekto ng pamahalaan, maging mga grants na popondo sa mga programa ng Virac.
Pinuri naman ng DILG Regional Office ang mga nagwagi sa taong ito at naway maipagpatuloy ito sa mga susunod na taon. Sa mga hindi nakasabay, dapat umanong maging hamon ito na tingnan ang mga findings at kakulangan kung bakit hindi napasama.
Ang SGLG ay mula sa dating programang inilunsad sa panahon ni DILG secretary Jesse Robredo para sa tinatawag na good housekeeping. Pagmantini ng mga basic services, accessibility sa mga serbisyong pambayan at mga established record ng mga local government units.
Kasama ni Mayor Sarmiento sa pagtanggap ng award sa Manila Hotel noong Nobyembre 5 sina Vice Mayor Arlynn Arcilla, DILG Acting Provl Director Uldarico Razal at Virac DILG officer Joel Maglaqui. Kasama sa gumawad ng naturang parangal sina DILG Secretary Ano at Congressman Alfred Vargas. (RAMIL SOLIVERES/FB)