VIRAC, CATANDUANES – Inilabas ng Bureau of Fire ng Virac ang isang kautusan na nagpapatigil sa pag-usad ng Virac Public Market Retrofitting Project kaugnay sa mga umano’y paglabag sa mahahalagang probisyon na nakasaad sa building code.
Magugunitang bago ang halalan noong May 2019 nang simulan ang nasabing proyekto, ngunit kinumpirma ng BFP na ngayong ikalawang linggo lamang ng Disyembre 2019 nang maghain sa kanilang tanggapan ng aplikasyon for clearance ang contractor ng nasabing project, kung kalian tapos na ang retrofitting para sa Phase 1 ng palengke.
Ang clearance na ibinibigay ng BFP, Fire Safety Evaluation Clearance, ay isa lamang sa requirement para sa issuance ng building permit.
Ayon kay FO3 Marjoe Isorena ng BFP-Virac, isinagawa umano nila ang evaluation kasunod ng application kung saan nakitaan nila ng mga paglabag ang nasabing proyekto partikular pagdating sa building specifications.
“There was absence of automatic fire sprinklers system plan, no fire detection and alarm system plan, absence of architectural plan of perspective view, location map and site development plan, and there was no schedule of stairs, doors and windows,” ayon kay Isorena.
Kaugnay sa mga nakitang paglabag, noong December 20, 2019, nag-issue ng Disapproval ang BFP para sa nasabing application. Ayon sa BFP-Virac, naghintay umano silang makapag-presenta ang contractor ng corrective measure program para ayusin ang mga kakulangan subalit hindi na umano bumalik ang aplikante. Dahil dito, noong Enero 3, 2020, inilabas ng Fire Office ang ‘Stop to Work’ Order para sa nasabing project.
Ngunit batay sa beripikasyon ng pahayagang ito, hindi naman tumigil sa pagta-trabaho ang mga obrero ng palengke sa kabila ng kautusan mula sa Bureau of Fire.
Samantala, magugunitang sa mga unang linggo ng trabaho ay una nang ipinahinto pansamantala ng FICELCO ang nasabing proyekto nang magkaroon ng isang aksidente. At sa isinagawang inspeksiyon ng FICELCO natuklasan ang illegal connection nito sa kuryente. Pinagmulta ng koop ang nasabing contractor. (RAMIL SOLIVERES)