VIRAC, CATANDUANES – Isang 64-year old na Person Under Monitoring (PUM) sa Covid-19 ang namatay sa heart attack noong nakaraang linggo.
Sa mga detalye na ipinabatid ni Virac Municipal Health Officer Dr. Elva Joson, ang lalaking biktima ay agad na sumailalim sa kanilang pagmamanman mula nang dumating ito sa lalawigan noong Marso 14, hanggang sa ito ay namatay sa isang ospital noong March 18.
Ang nasabing lalaki ay dumating sa bayan ng Virac mula sa lungsod ng Pasay. Sumakay umano ito sa Our Lady of Salvation Bus No, 2025 noong March 13, sa Seat No.30. Sumakay umano ito ng Calixta sa 8AM trip noong March 14 patungong San Andres. Mula sa San Andres, hindi na malinaw kung pribado ba o pampublikong sasakyan ang sinakyan ng pasyente patungong Virac.
Sa pagkamatay ng PUM, kaagad namang inilunsad ang contact tracing ng MHO Virac upang hanapin ang mga taong nakasalamuha ng biktima nang dumating ito sa Virac. Gayundin, nanawagan si Dr. Joson sa mga nakasabay nito sa byahe sa mga nabanggit na travel details na magsailalim sa self-quarantine.
Infectious Disease ang pinaniniwalaang ugat ng atake sa puso ng PUM, ngunit sa kawalan ng testing kit ay walang sinuman ang makapagsasabi na ang lalaki ay casualty ng kinatatakutang coronavirus. Dahil dito, kaagad na ipinalibing ng munisipyo ang nasabing biktima samantalang ipinasailalim na sa quarantine ang buo nitong pamilya.
Sa isang private message, nagpahayag ng ibayong kalungkutan ang mga kaanak ng biktima at sinabing masama ang loob nila dahil hindi umano nabigyan ng disenteng libing ang kanilang ama. Nananawagan din sila sa publiko na huwag silang kondenahin dahil silang mga naulila ay cooperative naman umano sa mga ipinag-uutos ng pamahalaan.
Kaagad ding sumailalim sa mandatory quarantine ang mga health workers na nagkaroon ng close contact sa biktima nang dalhin ito sa ospital.
Sa Virac, umaabot sa mahigit isang libo ang bilang ng PUM na naka-self quarantine at minu-monitor ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT). (RAMIL SOLIVERES)