Virac, Catanduanes – Isang vendor na dating drug surrenderer ang arestado sa ikinasang Anti-Illegal Drug Operation ng pinagsanib na pwersa ng Virac Municipal Police Station (MPS), Regional Police Drug Enforcement Unit-Catanduanes at ng Catanduanes Provincial Intelligence Unit (CATPIU) sa pangunguna ni PLT ARNEE JULIUS DEDASE.

Dakong ala 1:23 ng madaling araw noong  Agosto 5, 2020 nang maaresto ang suspek sa kanyang bahay sa Brgy Concepcion, Virac, Catanduanes.

Ang suspek ay kinilalang si William Tablate y, Padilla, 37 anyos na kinilalang drug surrenderer noong Setyembre 23, 2019 at residente ng nasabing barangay.

Nakumpiska sa naturang operasyon ang labing siyam (19) na sanchets ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na humigit-kumulang 12 gramo at may street value na nagkakahalaga ng Php 80,000.00. Maliban sa hinihinalang shabu, isang .38 revolver  na may tatlong bala ang nakumpiska sa pag-iingat ng suspek.

Ang nasabing operasyon ay naisakatuparan sa bisa ng Search Warrant No. 2020-08-EJ na nilagdaan ni Hon. Genie G. Gapas-Agbada, Executive Judge, RTC, Virac,Catanduanes. Isinailalim sa inquest proceedings ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko sa suspek, sinabi nitong planted umano ang nangyari sa kanya. Meron na umanong mga naunang mga lalaki bago naisagawa ang pagsisilbi ng search warrant. Ayon naman kay Chief of Police Antonio Perez, kadalasang alibi lamang umano ito ng mga suspek. Subalit dapat umanong patunayan ang ganitong mga alegasyon sa pamamagitan ng ebidensya sa korte. (Dhin2 Tabirara)

Advertisement