Legazpi City – Kinumpirma ni Regional Director Anthony Nuyda, BIATF chair sa Bicol Region na sinubukan na umano nilang mag-request para magkarooon ng control sa pagdagsa ng mga LSI sa mga probinsya, subalit hindi umano ito napagbigyan ng National Inter-Agency task force.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Atty. Nuyda na dala na rin umano ng congestion Manila kung kaya’t hindi mapigilan ng national office ang mga gustong umuwi sa layuning madecongest ang lugar.
Katunayan, blessing in disguise umano ang pagkakaroon ng MECQ sa Metro Manila nitong unang linggo ng Agosto dahil nabawasan ang movement ng tao lalo na ang pag-uwi ng mga locally stranded individuals mula sa naturang lugar.
Samantala, pinapalakas umano ng DILG sa tulong mga local government units ang contact tracing sa mga nagiging positibo sa mga lalawigan sa buong rehiyon. Ayon sa opisyal, patuloy umano ang kanilang isinasagawang pagpupulong sa BIATF region 5 bawat linggo upang pag-usapan ang mga kaukulang hakbang laban sa virus.
Kinumpirma ng opisyal na isa rin sa naipaabot na problema ng mga LGUs lalo na sa lalawigan ng Catanduanes ay ang mga paaralan na ginagawang quarantine facility. Aniya, naging solusyon umano rito ng DepEd sa pangunguna ni Regional Director Sadsad na limitahan sa dalawang paaralan bawat bayan. Dahil umano sa panibagong skedyul ng DepEd sa pasukan, pwede rin umanong pag-usapan ng mga LGUs at DepEd ang strategic agreement.
Una nang sinabi ni Superintident Danilo Despi ng DepEd Catanduanes na wala umano sa kanilang kamay ang discretion sa pagpahintulot sa mga paaralan na nais maging facility ng mga LGUs. Regional office umano ang pwedeng makapagbibigay ng solusyon sa naturang issue.