Virac, Catanduanes –Ipinagtaka ng ilang empleyado ng Catanduanes Doctors Hospital, Inc. (CDHI) ang halos limang (5) beses umanong pagba-bye ng kanilang katrabaho na biktima ng pamamaril kamakailan sa bayan ng San Andres.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Hospital Administrator Herminia Apil, sinabi nitong, masaya pang umalis ang biktimang si Lea Vallespin y Zamudio na mas kilala sa tawag na “Kap Lea” habang papauwi na ito sa kanilang barangay sa Asgad San Andres dakong alas singko ng hapon noong Pebrero 8.

Naalala rin ng mga ka-empleyado ang mga premonition, lalo na ang pagbibiro nito ilang linggo bago mangyari ang insidente sa pagsasabing,  kakalagin ang kanilang mga ka-empleyado sakaling mamatay siya.

Ilang araw din umanong napansin ni Mrs. Apil ang pagiging aligaga nito kumpara sa nakalipas na mga araw bago mangyari ang insidente. Ang akala lamang umano nila ay simpleng sakit sa tiyan ang iniinda ng biktima, kung bakit hindi na ito kagaya ng kanyang nakagawiang masayahin.

Nabigla na lamang umano sila nang mabalitaang si Kap Lea ang biktima ng pamamaril  noong Pebrero 8 ng gabi habang binabaybay nito ang Sitio  Kilometro 27, Brgy Bislig habang papauwi sana sa kanilang barangay.

Una umanong nakarating sa kanila na vehicular accident lamang ang nangyari, subalit ikinabigla nilang si Kap Lea pala ang tinarget ng hindi pa nakikilang mga salarin.

Inilalawan ni Mrs, Apil ang biktima na isang dependable, resourceful, maaasahan at wala silang mahanap na pagkukulang sa trabaho. Bilang collector at liaison officer, malaki umano ang papel nito sa CDHI, lalo na pagdala ng mga cheke at pera sa bangko maging pagtulong sa mga pasyente lalo ang mga mahihirap na inaapela nito sa management na mabawasan ang babayarin at nakikipag-ugnayan sa mga ahendya na matulungan ang mga pasyente.

Ikinagulat umano nila ang pangyayari, ayon kay Apil dahil wala naman silang nalamang kagalit nito.

Kaugnay nito, mariing kinundena ng CDHI management ang hindi makataong pamamaril sa biktima. Malaking kawalan umano sa kanila si Kap Lea. Dagdag pa ng hospital administrator, naniniwala umano silang mabibigyan ng kaukulang hustisya ang pagkamatay ng biktima sa mas lalong madaling panahon. Sa panig naman ng pamilya ng biktima, ipinagsasa-Diyos na lamang umano nila ang hustisya sa nangyari sa kanilang kapatid, ayon kay Gemma, kapatid ng biktima. Ayon kay Gemma, wala silang ideya kung sino ang nasa likod nito dahil isang napakabait na kapatid si Lea.

Advertisement