Kawalan ng disiplina umano ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang paglobo ng kaso ng covid19 sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa panayam Radyo Peryodiko kay Dr. Robert John Aquino, talagang may nagaganap umanong local transmission o hawaan sa ating lalawigan dahil sa halos araw-araw na positive results mula sa Laboratory.
Aniya, walang magaganap na hawaan kung sinusunod lamang ng mga mamamayan ang ipinapatupad na minimum health protocols ng pamahalaan.
Kaugnay nito, kinausap niya umano kamakalawa ang pamunuan ng pulisya sa bayan ng Virac na istriktuhan ang pagpapatupad ng minimum health standards dahil mahirap masugpo ang covid-19 kung walang disiplina ang mga tao.
Dagdag pa ng opisyal dapat ay istriktuhan din umano ang mga lugar na maraming tao lalong lalo na ang mga resorts.Kailangan i-remind at i-reprimand umano ang mga taong lumalabag sa ordinsang pinapatupad ng mga bayan.
Samantala, ikinallungkot ng opisyal ang mababang turn-out ng vaccination roll-out sa mga frontline health workers. Panawagan nito sa mga Mayors sa bawat bayan na kumbinsihin ang mga Barangay Health Workers na magpabakuna dahil sila ang nasa frontline services na malaki ang tsansang makahawa at mahawaan.
Gusto aniya ng ating Gobyerno na lahat ng A1 ay mabakunahan dahil sila ang nasa frontline services at malaki ang tsansang makahawa at mahawaan. Dagdag pa ng opisyal hindi tayo malalaanan ng karagdagang bakuna kung mabagal ang pag-usad ng pagbabakuna sa lalawigan. (Jarlica Arcilla/PBA Batch 13, Junior Patroller no. 128)