Naghayag ng pagkadismaya si Dr. Robert John Aquino ng Department of Health (DOH) hinggil sa impormasyong napag-iiwanan sa vaccination ang mga senior citizens (A2) sa Catanduanes dahil sa pananamantala ng mga nagpapanggap na individual na merong comorbidities.

Sa panayam ng Bicol PeryodikoTV, sinabi ni Dr. Aquino na bagamat biniberipika pa nila ang impormasyong ito, subalit nakakadismaya umano na hindi nasusunod ang mga dapat priorities na dapat mabakunahan.

Maliban umano sa modus na comorbidities, marami ring nakakalusot na hindi naman immediate family ng mga healthcare workers. Sa ilalim umano ng regulasyon ng vaccination program dapat immediate family members lamang at hindi ang extended family ang pwedeng maprayoridad.

Nag-apela ang opisyal na dapat hindi umano nagkakagulo at nag-aagawan sa bakuna kundi dapat sundin ang mga priorities na itinatadhana sa protocols upang hindi nadedehado ang dapat nauunang sector.

Sa kabilang banda, ang konswelo de bobo umano nito dahil maraming interesadong magpakuna sa lalawigan kumpara sa ibang lugar. Aniya, dahil kulang pa ang bakuna dapat umanong nailalagay sa tama ang lahat.

Ayon sa impormasyon, sa RHU bihira umano nangyayari ang palakasan dahil meron silang listahan ng mga taong merong comorbidities sa barangay, subalit nangyayari umano ito sa ilang hospital at dapat tigilan umano ang ganitong gawain.

Nitong Lunes, dumating na sa lalawigan ang pinakamalaking delivery ng Janssen vaccines mula sa John and Johnsons na nasa storage ngayon ng Provincial Heath Office kasama ang halos dalawang libong AstraZeneca.

Aniya, ang mga senior citizens sa mga bayan ng Panganiban at Viga na itinuturing na nasa high risk area ngayon ang magiging prayoridad ng bakunang Janssen at iba pang lugar na maraming kaso ng covid-19.

Ang sunod-sunod na deliveries ng bakuna ay bunga umano ng pagiging number 1 ng Catanduanes sa uploading ng mga listahan para sa vaccination.

Sa isang pagpupulong hiningi umano ni Dr. Aquino na maprayoridad ang lalawigan dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng covid-19 sa lalawigan ng Catanduanes nitong nakalipas na mga linggo.

Muli itong nakiusap sa mga nasa A4 at  sa mga nagpupumilit na mabakunahan kaagad sa pamamagitan ng pagdeklara na sila ay merong comorbidity na hindi umano ito ang tama lalo pa’t  nawawala ang silbi ng prioritization sa vaccination policy dahil sa pagsisinungaling ng iilan.

Napag-alamang mga nakaka-angat pa sa buhay ang gumagamit ng ganitong sistema ng pananamantala. Marapat umanong maghintay ang mga ito dahil merong darating para mabakunahan lahat. (FB)

Advertisement