Virac, Catanduanes – Patuloy pang iniimbestigahan ng PNP Virac ang insidente ng panloloob sa gusali ng Sangguniang Panlalawigan noong Pebrero 16, 2022.

Taliwas sa unang lumalabas na ulat, wala umanong naiulat na nasaktan o pagtatangkang pamamaril sa insidente. Batay sa impormasyon na ipinaabot sa himpilan, hindi matukoy ng mga saksi kung may dalang baril ang umano’y nanloob sa gusali. Ganon pa man patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa pangyayari upang matukoy ang motibo o kung may pagtatangkang krimen ang lalaki.

Hiningi ng PNP ang kopya ng CCTV upang makatulong at mabigyang linaw ang naturang pangyayari.

Matatandaang, Pebrero 16, 2022 dakong alas-singko (5:00) ng umaga, personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang watchman ng Sangguniang Panlalawigan sa Provincial Capitol, Barangay Francia, Virac, Catanduanes upang ipagbigay-alam ang isang insidente na nangyari sa isang bahagi ng gusali ng nasabing opisina.

Ayon kay Ginoong Christopher Abling, 41 anyos, bandang 4:15 ng madaling araw ng Pebrero 16, 2022 nang napansin niya at ng kapwa niya watchman na naalis ang plywood na nagsisilbing harang papasok sa gallery ng Sangguniang Panlalawigan. Nang patuloy nila itong suriin ito ay nakita nila ang isang lalaki sa loob ng gusali.

Aniya, agad silang tumakbo nang mapansin na papalapit sa kanila ang lalaki at minarapat na humingi ng tulong sa Bureau of Fire na malapit sa nasabing lugar. Hindi na nila ito muling inabutan sa kanilang pagbabalik sa lugar.

Batay naman sa inisyal na imbestigasyon ng Pulis Virac ay inabutan nila ang mga tinaggal na barikada nang magsagawa sila ng ocular inspection sa lugar. May indikasyon din na maaaring doon pumasok at lumabas ang sinasabing lalaki. Sa mga oras na ito ay wala pang pagkakakilanlan ang lalaki, hindi pa matukoy ang motibo  lalo wala ring nawawalang gamit sa loob ng opisina matapos ang isinagawang pag iimbentaryo. (BP/PNP Virac)

Advertisement