Nilinaw ng tagapagsalita ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) Marvin Tapel na walang kinalaman sa electricity rate increase ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Una nang inanunsyo sa facebook ng Ficelco na tataas ang singil sa kuryente sa Catanduanes.

Ayon kay Tapel, ang pagtaas ng taripa ang nakabatay sa Subsidized Approved Generation Rate na nakapaloob sa Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Desisyon umano ito ng Energy Regulatory Commission (ERC) alinsunod sa request ng National Power Corporation (NPC) upang matapatan ang lugi dahil sa fuel cost sa diesel at bunker fuel kaya’t diretso sa nasabing ahensya ang pagremit ng FICELCO.

Aminado si Tapel na mararamdaman ang epekto nito lalo na ng mga establisyemento sa Catanduanes na maraming load ng kuryente na nakokonsumo at magpapatuloy sa loob ng tatlong taon.

Mula Abril 2022 hanggang Abril 2023, P0.72 ang ipapataw sa generation rate o P23. 13 na dagdag sa kumukunsumo ng 25kWh; sa 2023 hanggang 2024, P1.31 ang patong na rate o P40 sa bawat 25kWh na konsumo at sa 2024 hanggang 2025 patong na P1.74 sa rate kaya’t magiging P54.25 ang konsumo sa bawat 25kWh.

Samantala, hinikayat din ng FICELCO ang member consumers na makiisa sa energy conservation para mabawasan ang paglobo ng babayarin sa kuryente.

“FICELCO calls upon the participation of the member-consumer-owners to be responsible electricity users. Observe energy-saving measure like the simple acts of turning off lights when not in need and unplugging appliances when not used for a period of time”, apelasyon ng FICELCO. (FB)

Advertisement