Pandan, Catanduanes – Siniguro ni Mayor Raul “Takoy” Tabirara, Jr. na kasama sa prayoridad ng kanyang administrasyon ay sugpuin ang illegal fishing sa kanyang nasasakupan.
Ito ang naging sagot ng alkalde matapos pumutok ang issue hinggil sa sinasabing rampant illegal fishing, particular sa mga barangay ng Balangonan at Dinungsuran dahil sa cyanide at dynamite fishing.
Ayon sa alkalde, meron siyang mga nasimulang programa laban sa illegal fishing na hindi na ipinagpatuloy ng nagdaang administrasyon kung kaya’t natengga ang ibang mga hakbang.
Kasama rito ang implementasyon ng delineation ng municipal waters sa pamamagitan ng paglagay ng mga markers sa laob ng 15 kilometers. Meron din umano silang identified sanctuaty sa lugar, subalit hindi ito nagawan ng ordinansa para maging guiding policy sa pagpapatupad ng batas.
Sa kanyang termino, ipinatupad niya umano ang color coding scheme, batay sa provincial ordinance, kung saan orange ang kulay ng mga bangka sa bayan ng Pandan na ipinatupad sa pamamagitan ng Bantay Dagat.
Dahil sa kakapusan ng pondo, nais niya umanong ma-activate ang Bantay dagat at iba pang hakbang upang masawata ang illegal fishing sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng alkalde determinado siyang sugpuin ang mga illegal fishers sa lugar, lalo pat halos 80% ng mga residente sa Pandan ay umaasa sa pangingisda maging pagsasaka.
Nanawagan ito ng suporta sa mga residente para epektibong maipatupad naturang mga hakbang maging ang mga proyektong magiging protection sa kapaligiran at karagatan. (FB)