Virac, Catanduanes – Inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes na merong nakalaang insentibo ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes para mas lalo pang mapataas ang porsiyento ng mga mababakunahan sa lalawigan.
Ang mga paaralan ay makakatanggap ng halagang P10,000 kung lahat na mga estudyante mula sa labing limang (15) taong gulang pataas ay magiging 100% vaccinated na. May kapareho ring halaga ang matatanggap ng mga barangay kung ang kanilang mga residente sa kaparehong edad ay magiging 100% bakunado.
Sa kaparehong edad may insentibo ring P30,000 ang bawat Rural Health Unit (RHUs) sakaling mabakunahan ang hindi bababa sa 80% residente mula sa 75 porsiyento ng kabuuang barangay sa bawat bayan na kanilang nasasakupan.
Pangunahing layunin umano ng naturang inisyatibo ay upang mapataas ang porsiyento ng vaccinated individuals dahil malaki ang pruweba na humina ang epekto ng covid-19 sa mga taong bakunado na.
Sa kasalukuyan, pumalo na sa 84 % ang bakunado sa lalawigan at target umano nilang mataasan pa ito upang mabawasan ang pangambang lumaki pa ang magpopositibo.
Samantala, sa pinakahuling datus, ang mga bayan ng Caramoran at Pandan ang may pinakamababang porsiyento ng mga vaccinated individuals. Ang Pandan ay meron pa lamang 66 porsiyento samantalang 70 porsiyento pa lamang sa bayan ng Caramoran.
Ang bayan ng Virac ang nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng mga bakunado o may kabuuang 89%.
Muli itong nanawagan sa publiko ang pag-obserba sa health standard protocols upang maiwasan ang pagdami ng kaso. Batay sa datus nitong Sabado, Hulyo 30, nasa 36 katao ang aktibong kaso, kung saan ang malaking bilang nito ay mula sa bayan ng Virac at San andres. (FB)