Isang bangkay ang natagpuan noong Setyembre 20, 2022 sa Barangay Datag, San Andres, Catanduanes.

Ayon sa San Andres Pulis, bandang alas otso (8:00) ng umaga ng parehong araw, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa Kapitan ng Barangay Datag na si Alfonso A Solero tungkol sa natagpuan na bangkay sa kanilang lugar.

Agad na tumugon ang San Andres MPS at doon nga ay tumambad ang naagnas nang katawan ng isang lalaki na nakasuot ng kulay blue na damit pang ibaba.

Positibong kinilala ng mga kaanak at ng kapitan ng barangay ang lalaki bilang si Jimmy Aldave y Dueña, 43 anyos, walang asawa, at residente ng nasambit na barangay, dahil sa damit na pang itaas na nakuha malapit sa lugar.

Ayon sa kapatid nito, may problema umano sa pag-iisip ang kanyang kuya. Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng umakyat sa puno ang lalaki at nahulog ito dito.

Walang nakikitang indikasyon ng foul play ang PNP. Ang bangkay ay nakuha sa damuhan humigit kumulang 30 metro ang layo mula sa kalsada. Ang labi ay inilibing na sa San Andres Public Cemetery kahapon. (via CatPPO/#bicolperyodiko)

Advertisement