Virac, Catanduanes – Nagulat si Dr. Julius L. Leaño, Jr., OIC Director ng DOST-PTRI (Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute) sa bilihan ng abaca fiber sa lalawigan ng Catanduanes na nagkakahalaga na lamang ng dalawampu’t limang Piso (P25.00).
Ayon kay Dr. Leaño,, ang S2 grado ng abaca ay binibili nila sa halagang dalawang daang piso (P200.00) kada Kilo. Ito ang klase ng abaca na ginagamit sa paggawa ng tela subalit hirap umano silang makahanap ng suplay.
Inilahad ng mga opisyal ang naturang reaksyon sa isinagawang Press Conference noong ika-24 ng Mayo, 2023 na dinaluhan ng mga pinuno mula sa tanggapan ng DOST, Philippine Fiber Authority (PhilFIDA), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Provincial Agriculture Services Office (PASO), Municipal Local Government Unit (MLGU), local media at abaca farmers.
Nagpaabot ng himutok ang isang abaca farmer dahil sa patuloy na pagbagsak ng kilo ng abaca fiber. Aniya, pano nila bubuhayin ng P25 kada kilo ng abaca kung ang kilo ng bigas ay umaabot sa mahigit P40 kada kilo.
Tanong nito sa lahat, pano niya bubuhayin ang kanyang pamilya lalo na’t may pinapaaral siyang mga estudyante? Apela nito na sana tulungan sila na pataasin ang kilo ng kanilang produkto at magkaroon ng masusing pag-aaral upang solusyunan ang nasabing problema.
Sa ganitong selebrasyon kung saan nagsasaya ang lahat, sa kabila pagdiriwang ng ika-7th Abaca Festival, tanging silang mga abaca farmers umano ang lubos na nahihirapan at apektado.
Nilinaw naman ni PhilFIDA OIC-Executive Director, Annray V. Rivera na ang usapin ng suplay ng abaca fiber ay merong dalawang magkaibang sagot depende sa kausap. Kung ang tatanungin ay ang mga abaca traders, sasabihin nitong sobra-sobra ang suplay na naging dahilan ng pagbaba ng presyo ng abaca.
Subalit kung ‘manufacturer/consumer’ ay kulang ang suplay tulad ng ‘Grade S2’ na hinahanap ni DOST-PTRI OIC Director Leaño ay wala silang mahanap upang gamitin sa paghabi ng tela.
Dagdag na paliwanag ni PhilFIDA Regional Director Mary Anne R. Molina na nitong nagdaang taon ay bumaba ang suplay ng abaca sa probinsya dahil na rin sa bagyo, pandemya at sakit na kumakalat sa tanim na abaca.
Sumabay pa rito ang kakulangan ng ‘demand’ dahil na apektuhan ng gyera sa pagitan ng bansang Ukrain at Russia na nakaapekto ng malaki sa ‘marketing’ ng abaca sa kontinente ng Europa.
Sa datos ng Provincial Agriculture Services Office at PhilFIDA Catanduanes, patuloy ang pagtaas ng bilang ng abaca farmers sa probinsya na dati ay nasa mahigit labin-tatlong libo (13,000) noong 2018 at ngayon ay umaabot na sa labin-limang libong abaca farmers.
Ito ay taliwas umano sa mga impormasyon sa barangay na ang mga abaca farmers lumilipat na sa ibang trabaho tulad ng konstruksyon dahil sa mura ng bilihan ng abaca at paghihirap.
Samantala, sa pagtutulungan naman ng Catanduanes State University at DOST Catanduanes patuloy ang masusing pag-aaral gamit ang sayentipikong pamamaraan para solusyunan ang problema sa peste ng abaca. (Kap JP)