Virac, Catanduanes — Dumating sa lalawigan ng Catanduanes si Ferdinand Dela Merced, kilala bilang Philippine Looper, bilang bahagi ng kanyang makasaysayang paglalakbay sa paglalakad sa lahat ng 82 lalawigan ng Pilipinas.
Noong Mayo 3, dumaong si Dela Merced sa San Andres Port kung saan mainit siyang sinalubong ng Catanduanes Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Carmel Garcia, maging mga mountaineer volunteers ng lalawigan. Nagkaroon din siya ng mga media engagements at nagpakasaya sa pakikihalubilo sa mga mamamayan.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, ibinahagi ni Dela Merced ang kanyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga Catandunganon, na ayon sa kanya ay halos hindi siya makausad sa dami ng nagpapakuha ng litrato, nag-aalok ng pagkain, at nagpapakita ng suporta.
Noong Lunes, nag-courtesy call siya kay Governor Joseph Cua, gayundin sa LGU Virac at iba pang tanggapan ng pamahalaan. Nakatakda siyang umikot sa buong lalawigan sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng kanyang 360-degree loop.
Layunin ni Dela Merced na lakarin ang lahat ng probinsya ng Pilipinas bilang bahagi ng kanyang adhikaing makamit ang Guinness World Record para sa “pinakamaraming lalawigang nalakbay sa isang bansa sa pamamagitan ng paglalakad,” sa ilalim ng proyektong tinawag niyang Philippine Loop Hiking Edition.
Si Dela Merced ay isang Construction Specialist mula sa Kajima Philippines sa Taguig at tubong Nueva Ecija. Bagamat may karanasan sa malalaking proyekto ng imprastruktura, pinili niyang maglakbay sa buong bansa, hindi para sa trabaho kundi para sa bayan—isang personal at makabayang misyon upang ipamalas ang ganda, kultura, at diwa ng Pilipinas.
Ang kanyang paglalakbay ay hindi lamang pisikal na hamon, kundi isang pagpupugay sa katatagan ng lahing Pilipino. Mula sa kabundukan ng Cordillera, baybayin ng Mindanao, at ngayon sa pulo ng Catanduanes, ang kanyang “loop” ay isang buhay na patunay ng tapang, pag-asa, at pagkakaugnay-ugnay ng mga Pilipino.
Buong suporta namang ibinigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office sa makasaysayang layunin ni Dela Merced, at buong pagmamalaking maging bahagi ng kanyang Guinness World Record journey.
Maligayang pagdating sa Catanduanes, Philippine Looper Ferdinand Dela Merced! Hanggang sa muli sa landas ng pakikipagsapalaran!
(Bicol Peryodiko Newsteam)