KAPITAN NG OBI, HUMINGI NG PAUMANHIN SA MGA KABARANGAY; KABUHAYAN ANG IPINAGLABAN SA PAGPAYAG SA COAL MINING
CARAMORAN, Catanduanes — Humingi ng paumanhin si Punong Barangay Leoncio Zuniega, Jr. sa mga residente ng Barangay Obi kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng pagmimina sa lugar. Iginiit niya na kabuhayan ng mga tao ang isa sa mga dahilan kung bakit niya sinuportahan ang coal mining, basta’t dumaan umano ito sa tamang proseso at may kaukulang permit.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, inamin ni Kap. Zuniega na kabilang sa mga dahilan kung bakit niya sinuportahan ang coal mining ay ang mga ilegal na aktibidad sa gold mining. Umaasa umano siyang ang pagkakaroon ng legal na operasyon ng pagmimina ay makapagbibigay ng hanapbuhay sa mga residente.
“Pasensya sa mga ayaw, pasensya na kayo, pero ang iniisip ko ’yong livelihood ng tao. Alam ko na may epekto ito sa mga susunod na panahon, subalit binigay ito ng Diyos ang natural resources na kailangan pakinabangan, basta itama ang proseso,” ani Zuniega.
Inamin din ng kapitan na ikalawang pinsan niya ang permit holder na si Adelbert Almario mula sa Sitio San Jose, Mabini. Ayon kay Zuniega, nag-isyu siya ng certificate of residency kay Almario noong 2024 dahil madalas umano itong bumisita sa barangay at may mga kamag-anak doon. Gayunman, inamin din niyang limitado ang kanyang kaalaman sa naturang proseso.
Dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng barangay, sinabi ni Zuniega na nakatakda nilang talakayin ang usapin sa kanilang sesyon. Nangako rin siyang susunod sa direktiba ng alkalde ng Caramoran na pansamantalang ipatigil ang mga aktibidad sa lugar na nakatakdang pagminahan ng coal.
Sa kabila ng kanyang paliwanag na kabuhayan ng mga residente ang kanyang ipinaglalaban, nananatiling mahalagang usapin ang pagsunod sa mga batas at pagkuha ng mga kinakailangang permit sa pagmimina, gayundin ang kaligtasan ng mga manggagawa at ang posibleng epekto nito sa kapaligiran at mga komunidad.
Samantala, nilinaw din ni Zuniega ang usapin sa gold mining na naging kontrobersiyal bago ang isyu ng coal mining. Sa panayam ng Radyo Peryodiko, inamin niyang ilang beses siyang nagsumbong sa PNP Caramoran hinggil sa nagaganap na gold mining sa Sitio Macacao bago pa man mangyari ang trahedyang ikinasawi ng isang minero.
Gayunman, ayon sa kanya, hindi umano agad naaksyunan ang kanyang mga ulat hanggang sa may matabunan at mamatay sa lugar.
Sinabi ni Zuniega na halos tatlong hepe na ng pulisya ang kanyang napagsumbungan tungkol sa ilegal na pagmimina. Aniya, bagama’t nagkaroon ng presensiya ng mga pulis sa lugar, wala na umano ang mga ito roon sa kasalukuyan, dahilan upang magbalikan ang mga minero.
Ayon pa sa kapitan, ang lugar na pinagmiminahan ng ginto ay pag-aari umano ng dalawang residente ng Barangay Obi, bagama’t nasa teritoryo ito ng San Andres. Binanggit din niya na nagsimula ang interes sa gold mining matapos umanong makadiskubre ng ginto ang isang residente ng Barangay Iyao, na dati ring nanirahan sa Dugue, Virac, may isang taon na ang nakararaan.
Nang tanungin kung saan dinadala ang mga nakukuhang ginto, sinabi niyang may mga bumibili rin umano nito sa Virac. Batay naman sa impormasyong nakalap ng Bicol Peryodiko, may mga mamimili umanong nagtungo sa lugar upang bumili ng ginto, na lalo pang nakahikayat sa ibang residente na makilahok sa pagmimina.
Patuloy na inaabangan ang paglilinaw ng mga kinauukulang awtoridad hinggil sa mga alegasyon ng ilegal na pagmimina at sa mga hakbang na isasagawa upang maiwasan ang pag-ulit ng trahedya. | Francis Benedict






















