Pinabulaanan ng Commission on Election (Comelec) ang lumabas na impormasyon hinggil sa umanoy dayaan sa katatapos pa lamang na halalan sa lalawigan ng Catanduanes.
Ang impormasyon ay nag-ugat sa magkaibang resulta na lumabas sa GMA7 website at sa hindi tugmang resulta na inilabas ng Comelec Province para sa final and official results madaling araw noong Mayo 13, 2025.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko sinabi ni Regional Director Maria Juana Valeza na hindi sa Comelec server ang naging deperensya hinggil sa sinasabing mabilis na turn-out ng resulta sa kasagsagan ng counting kundi mismong sa website ng GMA7.
Ang naturang issue ay pinaliwanag na umano ni Comelec Chairman Erwin Garcia at kaagad din umanong tinawagan ng pansin ang estasyon kung kaya’t nagkaroon ito ng resetting ng kanilang site. Makikita din kinaumagan na bumaba ang resulta kumpara sa unang ilinabas noong gabi ng election.
Ayon sa opisyal nagkaroon umano ng problema ang server ng GMA7 dahil sa application na ginamit, partikular ang ranking sa resulta ng mga boto sa bawat kandidato.
Matatandaang ilang observers ang nabigla sa impormasyon lumabas sa GMA7 sa provincial canvassing, kung saan malaki ang naging lamang ni gubernatorial candidate Peter “boss Te” Cua. Nagulantang ang ilan dahil naungusan agad ito ilang oras lamang ni gubernatorial candidate Patrick Azanza.
Sa provincial board of canvassing, dakong alas 3:30 ng madaling araw nang makompleto ang submission ng election returns kung kaya’t naiproklama kaagad dakong alas 4:30 ng madaling araw ang mga nanalong kandidato sa provincial level. Sa tala ng Comelec Catanduanes, nakakuha ng 76,169 boto si Azanza habang 75,807 si Cua, 6,660 boto kay General Macairog Alberto habang 2,489 kay Atty. Oliver Rodulfo.
Kasama sa mga naiproklama ng madaling araw ay sina governor-elect Patrick Alain T. Azanza, Congressman Eulogio R. Rodriguez at mga Provincial Board Members na sina Giovanni Balmadrid, Fred Benedict Gianan, Arnel Turado at iba pang provincial board member candidates.
Sa nakuhang impormasyon ng Radyo Peryodiko, nagkaroon umano ng dobleng datus ang naipadala mula sa bayan ng San Andres kung kaya’t lumabas na sobra ang naitalang boto sa gubernatorial post kumpara sa final and official result ng Comelec Catanduanes.
Samantala, umabot na sa 78 ang kabuuang reklamo na may kaugnayan sa katatapos na halalan sa Bicol Region, ayon sa ulat ng Commission on Elections (COMELEC) Region V. Pinakamarami sa mga kasong ito ay vote-buying, kung saan Catanduanes ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang.
Batay sa datos ng COMELEC Bicol, 34 kaso ng vote-buying ang naitala sa Catanduanes, na siyang pinakamataas sa rehiyon. Kapwa nakapagsumite naman umano ang mga ito ng kanilang sagot sa showcause order. Sinundan ito ng Camarines Sur na may 11 kaso, habang tig-8 kaso naman ang naitala sa Albay at Masbate. Dalawa ang naitala sa Sorsogon at isa sa Camarines Norte.
Ayon kay Regional Election Director Maria Juana Valeza, karamihan sa mga kaso ng vote-buying ay may kinalaman sa pamimigay ng pera (61 kaso) at goods (2 kaso). Bukod dito, nakapagtala rin ang COMELEC ng 10 reklamo laban sa paggamit ng government resources para sa kampanya, kabilang ang government vehicles, personnel, at pasilidad. (Bicol Peryodiko NewsTeam)