VIRAC, Catanduanes — Isang makasaysayang pangyayari ang naganap sa Sangguniang Panlalawigan (SP) nitong Pebrero 23 matapos personal na dumalo si Gobernador Patrick Alain Azanza  sa imbitasyon ng SP upang magbigay-linaw at depensahan ang panukalang 2026 budget ng lalawigan, na tinawag niyang “People’s Budget.”

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng probinsya na inimbitahan ang isang nakaupong gobernadora sa regular session upang personal na ipaliwanag at ipagtanggol ang panukalang badyet sa plenaryo ng SP.

Maalalang ang mga customary practice, ang mga department heads at finance committee ang dumidepensa sa budget, subalit ngayon pa lamang sa kasaysayan ng SP nangyari ang naturang tagpo.

Sa ginawang session, pinasalamatan ni Presiding Officer Vice Governor Robert Fernandez ang pagdalo ng gobernador. Sa tagpong ito, pansamantalang sinuspendi ang SP session Rules upang bigyan ng daan ang panig ng gobernador.

Ayon kay Azanza, bagama’t may lehitimo siyang dahilan upang hindi makadalo—dahil inimbitahan din siya ng Pangulo ng Pilipinas para sa paglulunsad ng Local Government Support Fund (LGSF) kung saan nakakalap ang lalawigan ng ₱250 milyon—mas pinili niyang unahin ang sesyon ng SP. Sa naturang aktibidad, ipinadala niya ang kanyang Chief of Staff bilang kinatawan sa malakanyang.

“Isinantabi natin ang pride at kung ano pa mang kadahilanan para unahin kung ano ang higit na makakabuti sa mga Catandunganon,” pahayag ng gobernador.

Binanggit din niya ang talata sa Bibliya mula sa Proverbs 11:2: “Ang pagpapakumbaba ay nagdudulot ng karunungan (With humility comes wisdom),” bilang gabay sa kanyang naging pasya.

Binigyang-diin ni Azanza ang kahalagahan ng agarang pagpasa ng 2026 budget ordinance dahil nakapaloob dito ang mahahalagang programa at proyekto para sa lalawigan.

Kabilang sa mga pangunahing alokasyon ang: ₱100 milyon para sa Phase 2 ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC) building,  ₱87 milyon para sa rehabilitasyon ng mga district hospital at paglalagay ng 11 automated telemedicine machines, libreng Health Maintenance Organization (HMO) coverage para sa lahat ng permanenteng empleyado ng Kapitolyo, ₱30 milyon para sa libreng gamot para sa mga mahihirap, ₱15 milyon panimulang pondo para sa pagtatatag ng Abaca Buying Center, ₱94 milyon para sa pagkukumpuni ng mga kalsada, water systems, at iba pang imprastraktura sa mga lugar na apektado ng pagbaha.

Inilahad din nito ang pagbili ng labing isang aircon buses para sa arangkada eskwela bilang tugon sa pangangailangan ng mga estudyante na nasa malalayong paaralan. Ayon sa kanya, makakatulong umano ito upang maiwasan ang pagsakay sa top load ng mga estudyante na delikado sa seguridad ng mga estudyante. Kasama rin sa inilahad ang wing van para sa labing isang munisipyo na mapapakinabangan ng mga munisipyo lalo na sa howling ng mga relief goods sa tuwing merong bagyo.

Nagkaroon ng clarification ang committee chair na si PBM Giovani Balmadrid kaugnay sa mga rekomendasyon ng SP na hindi tinutugan ng tanggapan ng gobernadora. Ayon sa kanya, ang kanilang mga rekomendasyon ay batay sa request ng mga kainuukulangan departments. Lampas umano sa 30 ang mga inimbitahan, subalit umaabot sa 20 lamang ang dumalo sa committee hearings kasama na ang office of the governor.

Kabilang sa mga nilinaw ni PBM Balmadrid ay ang usapin sa Abaca Buying Center. Aniya ang halagang 10 milyon ay para lamang sa lubricant at oil at walang alokasyon hinggil sa halaga para sa pagbili o anumang may kaugnayan sa abaca. Dito, nilinaw ng gobernador na bibili ang lalawigan ng mga abaca fibers sa rasonableng halaga at isasailalim sa training sa pamamagitan ng TESDA ang mga asawa ng mga abakaleros para hindi na lumabas pa ang raw materials, subalit dito na mismo gagawin ang mga by-products ng abaca at imamarket ng probinsya.

Isa pang linaw ni PBM Balmadrid ay ang usapin kung bakit ang Automated Teller Machine ay nakapailalim sa tanggapan ng Provincial Engineering Office (PEO). Nilinaw ng gobernador na ito nasa ilalim ng Provincial Health Office (PHO). Para umano ito sa telemedicine na isang proyekto sa ilalim ng universal healthcare kung saan dito dadaan ang downloading ng bayad ng DOH at PHilhealth kaugnay sa outpatient benefits o libreng checkup o ang tinatawag na Yakap program.

Kasabay ng napipintong pagpasa ng “People’s Budget,” binigyang-diin din ng gobernador ang kahalagahan ng pagbibigay ng awtoridad sa Pamahalaang Panlalawigan upang makipag-Memorandum of Agreement (MOA) sa iba’t ibang pambansang ahensya tulad ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Ang mga committee chairperson na sina PBM Edwin Tanael, PBM Arnel Turado at PBM Santos Zafe ay kapwa tumugon na bibigyan ng pansin ang naturang request ng gobernador.

Hiningi naman ni VG Fernandez ang consent ng gobernador ang presensya ng mga department heads para sa agarang pagdinig sa budget at authority na kaagad namang sinang-ayunan ng gobernador.

Ayon sa gobernador, ang pagbibigay ng naturang awtoridad ay magbibigay-daan upang mas maraming proyekto at pondo ang ma-download sa lalawigan para sa kapakinabangan ng mga Catandunganon.

“Ang panalo po dito ay ang tao,” ani Azanza sa kanyang pahayag matapos hingan ng parting message ni vice governor Fernandez.

Sa huli, ipinahayag ng gobernador ang kanyang pasasalamat at panalangin para sa pagkakaisa at patuloy na pag-unlad ng probinsya, kasabay ng pag-asang maipapasa ang 2026 People’s Budget para sa kapakanan ng bawat mamamayan ng Catanduanes.

Naging makulay at makahulugan ang naturang session matapos magkaroon ng photo opportunity ang mga miyembro ng SP kasama ang gobernadora batay sa motion ng ilang miyembro ng SP.

| Francis Benedict | Bicol Peryodiko

Advertisement