HOUSE OF REPRESENTATIVES – Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kongreso sa isyu ng nadiskubreng pabrika ng droga sa barangay Palta Small noong nakaraang taon, ikinanta ni dating Virac Mayor Flerida Alberto ang mga pangalan nina Mayor Samuel Laynes, ang negosyanteng si Alexander Ang-Hung at si Engr. Gil Balmadrid bilang ilan sa mga taong umano’y nakita niya malapit sa shabu lab bago pa man ito natuklasan.
Kwento ni Alberto, bago pa man natuklasan ang shabu lab ay matagal na umano niyang napapansin ang paglabas-masok sa nasabing compound ng mga sasakyan na kinabibilangan ng Maroon Montero at malalaking trak, ngunit dagdag niya, wala umano siyang ideya na may iligal na nagaganap sa loob.
Minsan umanong napadaan siya sa bungad ng shabu lab ay nakita niya sina Mayor Laynes, Ang Hung at Engr. Balmadrid sa bunganga ng nasabing compound. Tumigil umano siya at tinanong kung ano ang ginagawa ng mga ito doon.
“Ang sagot nila, nagpapagawa sila ng kalsada at mga kulungan ng baboy,” ayon kay Alberto. Ngunit bago ito, binanggit din ni Alberto na makailang ulit na umanong nagtungo sa kanyang farm sina Mayor Laynes, Ang Hung at Balmadrid. “Gusto nilang bilhin ang mga balat ng niyog at mga damo mula sa aming farm.”
Samantala, sa eksklusibong panayam kay Laynes, itinanggi niya ang mga alegasyon ni Alberto. “There was no such incident I have met Flerida at the gate of the shabu lab.” Dagdag ng alkalde, mahigit tatlong taon na umano siyang hindi nakakarating sa nasabing lugar at ang mga paratang ng dating Mayor ay kaya umano niyang depensahan sa tamang lugar at sa tamang panahon.
Sa kabilang dako, handa naman umanong magbigay ng kanyang komento si Ang Hung ngunit hanggang sa mga sandaling ito ay wala pa siyang inilalabas na pahayag. (RAMIL SOLIVERES)