Virac, Catanduanes – Isa sa mga naging tampok ng Ulat sa Lalawigan ni Gobernador Joseph C. Cua noong Oktubre 16, 2017 ay ang umano’y maayos at magandang serbisyo ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC).

Ayon kay Gobernador Cua, simula nang siya ay maupo bilang gobernador, hindi bababa sa 16,627 na ang bilang ng mga pasyenteng nasilbihan ng iba’t-ibang atensyong-medikal ng EBMC. Ang umano’y pagbaba ng in-patient deaths sa 23% ay isa umanong positibong indikasyon na maayos na nakakapaglingkod sa mga maysakit ang pagamutan.

Sa loob ng isang taon ng kanyang panunungkulan bilang gobernador, binanggit ng gobernador sa kanyang ulat ang halos dalawang-libong pasyente ng EBMC ang umano’y nakapag-enjoy na ng No Balance Billing, o kaya’y naospital ngunit kahit piso’y walang ginastos sa kabuuan ng kanilang confinement. Sa loob ng mahigit isang taon, kumita ang EBMC ng mahigit isang-daang milyong pisong collection mula sa Philhealth.

Dagdag pa ni Gov. Cua, mula nang siya ay maupo, pawang mga espesyalista na ang humahawak ng mga pasyente sa EBMC.

Samantala, mula sa 15 milyon ngayong taon, 30 milyong piso ang nakalaang subsidy ng provincial government sa EBMC sa susunod na taon. Ito umano ay upang mapataas pa ang antas ng serbisyo ng ospital kagaya ng paglalagay ng dialysis units, high risk pregnancy units, diabetes care facilities at iba pang medical supplies.

Sa problema tungkol sa kakulangan ng suplay ng gamut, “We will be outsourcing our pharmacy services para magkaroon ng sapat na medisina at iba pang supplies ang ating botika.” Ayon kay Cua, aprubado na ito ng Board gayundin ng Sangguniang Panlalawigan at maari umano itong masimulan bago matapos ang taon.

Sa kanyang panahon, ipinagmalaki ni Cua ang ilang medical missions na kanyang inanyayahan kung saan hindi bababa sa 4,697 ang mga benepisyaryong nabiyayaan ng libreng medical, optical, dental, surgical and OB-gyne services.

Samantala, katuwang ng provincial government sa pangangasiwa ng kalusugan ang Department of Health kung saan mahigit 5.5 milyong pisong ayuda ang ibinigay nito para sa iba’t-ibang health facilities at 5.3 milyon mula sa nabanggit na halaga ang pinakinabangan ng EBMC samantalang 200 thousand naman ang napunta sa JMA Memorial District Hospital ng San Andres at 40 thousand naman ang tinanggap ng iba pang district hospitals katulad ng Gigmoto, Pandan at Viga.

Sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program (HFEP), nagkaloob din ang DOH ng 4.4 milyong piso para sa hospital equipment at 16.7 milyon pa ang inaasahan para sa iba’t-ibang medical projects sa lahat ng district hospital sa buong lalawigan. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement