Virac, Catanduanes – Nakatakdang ipatupad ng Philippine Health Insurance Inc. (PhilHealth) ang adjustment sa qualifying contribution sa pag-avail ng mga benepisyo nito simula sa Enero 2018.

Sa Philhealth circular number 21 na inilabas sa kanilang website na www.philhealth.gov.ph, nilahad ng PhilHealth na magiging 9 na buwan na ang magiging qualifying contribution ng miyembro para maka-avail ng mga benepisyo, mula sa dating 3/6 o tatlong buwang kontribusyon sa loob ng anim na buwan bago ang hospitalization. Ang bagong patakaran ay alinsunod umano sa tinatawag na sufficient regularity of payment na dati ng nakasaad sa implementing guidelines. Ibig sabihin, kailangan umanong may hulog ang miyembro ng siyam na buwan (9) sa loob ng isang taon, bago ang confinement o availment of benefits sa mga healthcare providers.

Ang 3 over 6 qualifying contribution ay ipapatupad pa hanggang ngayong Disyembre 2017, na ibig sabihin para maka-avail ang miyembro o dependent kailangan lamang ang tatlong buwang hulog sa loob ng anim na buwan bago ang pagkakaospital.

Una nang inanunsyo rin ng PhilHealth ang premium adjustment para sa formal sector o sa pribado at pampublikong tanggapan, kung saan, mula sa 2% ng basic salary ito ay magiging 2.75% sa Enero 2018. Ang dating 8,000 salary base ng pinakamababang premium ay magiging 10,000 na at ang salary cap o pinakamataas na salary base ay magiging 40,000 na mula sa dating 35,000 salary cap.
Ang mga pagbabago ay bunsod narin umano sa patuloy na paghahangad ng Philhealth na mapaganda ang serbisyo para sa mga Pilipino. (FB)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.