Virac, Catanduanes – Pormal ng binuksan sa publiko ang pinakabagong hotel and resort sa lalawigan ng Catanduanes na merong sampung (10) palapag at apatnapu’t tatlong (43) rooms.

Noong Nobyembre 28, 2017, alas onse ng tanghali inilunsad ang soft opening ng nasabing gusali sa Barangay Concepcion, malapit sa Virac Public Market kung saan ito ay dinaluhan ng mga opisyal ng lalawigan at mga stakeholders.

Ang Lucky Hotel and Resort ay pinamumunuan ni General Manager Rosemarie Lorayes, tubong Daraga, Albay na piniling manirahan sa probinsya upang magnegosyo ilang taon na ang nakakaraan sa pamamagitan ng grocery store na ‘Lucky Supermart.’

Sa kanyang talumpati sa isinagawang soft opening, inihayag nito ang kagalakang maging bahagi ng lalawigan para sa pagpapaunlad ng turismo at negosyo.

“Welcome to your new home in the happy island of Catanduanes! It is an honor to welcome you all, in our soft opening of LUCKY HOTEL AND RESORT, your new home where you can experience luxury at the heart of the island”, pambungad ni GM Lorayes. “Join us and feel the comfort of your home, away from home, as we offer you another luxury but affordable hub in Catanduanes, the Lucky Hotel and our goal is to become partner of Government as Socio Corporate Cooperative” pagpapatuloy nito.

Isa umano sa mga layunin ng kanilang hotel ay makatulong na matugunan ang pangunahing pangangailangan ng probinsya lalo na sa pagpapalago ng komenrsyo at sa sector ng turismo. “Your comfort is our foremost concern” dagdag pa nito.

Ang nasabing soft opening ay dinaluhan ng mga kilalang indibidwal mula sa mga bangko, politiko, media at maging ang provincial tourism. Ang pagbubukas ng Lucky Hotel and Resort ay lubos na ikinatuwa ng mga Punong Barangay ng Concepcion at San Juan maging mga residente nito.

Ayon pa kay Lorayes, isang kakaibang hotel ang matutunghayan ng domestic at foreign tourists dahil sa taas nito at merong malalaking kwarto, kung saan overlooking din nito ang buong Poblacion ng Virac . “This Lucky Hotel and Resort promises its own unique features of comfort and convenience for all our beloved guests” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, sinabi ni Provincial Tourism Officer Carmel Bonifacio-Garcia na malaki umano ang magiging ambag ng bagong hotel sa pagdagsa ng mga turista dahil ito rin umano ay magbubukas ng bagong opurtunidad sa mga naghahanap ng trabaho at tugon sa kakulangan ng hotel accommodation sa lalawigan.

Ayon kay Garcia, mula sa apat na raan at dalawampu’t pitong kwarto (427) ay madagdagan na ito ng apatnapu’t tatlong (43) kwatro, kung saan nangangahulugan itong aabot na sa apat na raan at pitongpung kwarto (470) na ang maaring gamitin ng mga turista maging domestic tourists sa lalawigan ng Catanduanes.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.