VIRAC, CATANDUANES – Ipinagharap ng kasong administratibo sa Sangguniang Panlalawigan ang alkalde ng bayan ng Gigmoto na si Mayor Armando Guerrero kabilang ang apat na hepe ng iba’t-ibang tanggapan.
Kasama sa iba pang kinasuhan ay sina Carmen Olfindo, Municipal Accountant; Maribel Tutanes, Human Resource Officer; Charlene Aldea, Municipal Budget Officer at si Gloria Obo, Municipal Treasurer.
Ang complainant sa nasabing reklamo ay sina Roberto Olayon at Danilo Tolledo na pawang kawani ng lokal na pamahalaan bilang mga driver. Ayon sa kanila, umabuso sa kapangyarihan ang mga respondents, kabilang na ang dishonesty, oppression, misconduct in office, gross negligence or dereliction of duty.
Sa sinumpaang salaysay sina Olayon at Tolledo, hindi umano sila pinasahod at hindi rin binigyan ng iba pang benepisyo mula pa noong Dec. 2017. Na-appoint sila bilang Drivers I noong May 16, 2016 ni dating Mayor Edgar Tayam, ngunit sinipa umano sila sa trabaho ni Mayor Guerrero, kasabwat ang iba pang respondent, noong Aug. 2016 kung saan ipinag-utos umano na tanggalin ang kanilang mga pangalan sa payroll at sinabihang huwag nang pumasok.
Sa pamamagitan ng isang liham, nakiusap sina Olayon at Tolledo kay Mayor Guerrero, ngunit hindi umano sila pinakinggan. Kaugnay nito, naghain sila ng Admin. Case sa Civil Service Commission Regional Office sa pamamagitan ng isang Memorandum of Appeal na hanggang ngayon ay nananatiling nakabinbin ang nasabing apela sa komisyon. Ganoon pa man, patuloy umanong hinaharang ng mga respondents ang kanilang sweldo at benepisyo gayong naghihintay sila ng pinal na desisyon ng Civil Service.
Sa opinion letter ni Civil Service Commission Regional Director Nieto noong Dec. 14, 2016, “They are, therefore, entitled to all salaries and benefits accorded to their positions, including 13th Month pay, cash gift, and clothing allowance for as long as they meet the required minimum length of service for such benefits…” Dagdag pa ni Nieto, mahihinto lamang ang pagpapasweldo at pagkakaloob ng mga benepisyo kina Olayon at Tolledo kapag naibaba na sa LGU-Gigmoto ang desisyon ng komisyon na kakatig sa disapproval ng appointment ng dalawa.
Sa order ng komisyon, tumupad umano ang mga respondent ngunit huli na nang maibigay sa kanila ang mga sweldo at benepisyo noong 2016. At noong Nov. 2017, dumating ang desisyon ng Civil Service kung saan tuluyan nitong dini-dismiss sa serbisyo sina Olayon at Tolledo. Ganoon pa man, bago natapos ang taon ay nakapaghain sila ng Motion for Reconsideration sa Civil Service. Ngunit muli, tinanggal sila sa payroll at hindi na nakatanggap pa ng sweldo at benepisyo mula pa Dec. 2017.
Sa komento ni Provincial Legal Officer Atty. Leo Mendoza, sinabi nitong dapat umanong magpatuloy sa pagtanggap ng sweldo at iba pang benepisyo sina Olayon at Tolledo hanggang ang desisyon ng komisyon ay maging pinal at executory.
Ngayon lamang Jan. 5, 2018, sumulat sina Olayon at Tolledo sa mga respondents na kung maari ay maisama sila sa payroll hangga’t hindi nagiging executory ang desisyon ng Civil Service, ngunit noong Jan. 8, ibinasura ng mga respondent ang kanilang kahilingan.
Sa reklamong iniharap sa Sangguniang Panlalawigan, hinihiling nina Olayon at Tolledo na isailalim sa preventive suspension ang mga respondents na ayon sa kanila ay labis na nag-abuso sa kani-kanilang tungkulin. Nai-refer na sa komite ang nasabing usapin.