Virac, Catanduanes- Ikinatuwa ni Mayor Sammy Laynes ang mainit na pagtanggap ng mga mamamayan ng Virac sa inilunsad na “Pasalinggaya sa Viracnon” nitong Pebrero 23, 2018.
Matapos lamang na mailunsad ang proyekto sa maiksing panahon, kaliwa’t kanan ang pangungulekta ng mga basura ng mga residente at kahit sa pinakahuling minuto bago ang raffle, mahabang pila ang namataan sa Virac Plaza. Para makakuha ng raffle ticket, kailangan makadala ng tatlong plastic bottle ang sinuman upang magkaroon ng pagkakataong Manalo.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko sa alkalde, sinabi nitong bahagi ito ng kanyang kampanya na maresulbahan ang problema sa basura at mapalinis ang bayan ng Virac. Kampanya rin umano ito para turuan ang mamamayan sa proper waste segregation. Kapalit ng nalikom na mga bote ay coupon o ticket sa isang raffle draw.
Naging katulong niya umano para maisakatuparan ang proyekto si Mayor Edwin Boboy Hamor ng Casiguran, Sorsogon, kung saan nag-ambag ito ng papremyo at mismong bumisita sa lalawigan para sa kanilang lakbay aral at siya ring naging panauhing pandangal sa raffle draw.
Sa isinagawang raffle draw noong Biyernes, dinagsa ito ng mga mamamayan na sumali sa proyekto kalakip ang mga papremyong motorsiklo, rice cookers, electric fan, refregerators, sala sets cabinet maging cash prizes.
Samantala, bago pa man mangyari ang raffle, sa Barangay Magnesia del Sur at del Norte nagkakaroon ng malaking kompetensya sa paghahanap ng bote dahil ang ilan ay dumayo pa sa karatig pook upang maghakot ng basura na siya namang ikinagalit ng ilang katabing barangay.
Sa Barangay Balite, bago pa umano ang naturang proyekto ng LGU Virac, nauna nang ginawa ito ng nasabing barangay sa mga late at absent sa session ng konseho kung saan ang multa ay ginagawang pondo at pambili ng meriyenda kung merong bisita.
Kalaunan, bilang paghahanda sa fiesta noong Enero, naisipan umano nilang gawin itong pondo para ipambili ng sabon na ipinamahagi sa nasasakupan kapalit ng bote na may lamang basura.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Punong Barangay Nieves Borjal ng Balite at sa konseho nito, ang mga bote umano ay ginagawa nilang pandekorasyon tuwing piyesta at bahagi ng kanilang floating cottages. Ngunit dahil sa papremyo at pakikiisa ng Barangay Balite, napagkasunduan ng Barangay Council na isali na lamang ito sa sa proyekto ng LGU Virac.
Samantala, ang aksyon ng barangay ay nagdulot umano ng hinanakit at pagkadismaya sa mga residente lalo na nang mabalitaan na pinaghatian umano ng barangay council ang mga bote kapalit ng ticket at coupon.
Ayon sa ilang residente, pagmamay-ari mano dapat ng barangay ang mga tickets at hindi ng mga opisyal sa konseho dahil pera ng barangay ang ginamit na pambili ng mga sabon pamalit ng mga bote na may basura. Nilinaw naman ni kapitan Borjal ang nasabing usapin. Ayon sa kanya, ang pera umano ay bunga ng kanilang pinatutupad na ‘house rules,’ kung saan kinakaltas umano mismo ito sa kanilang honorarium at hiwalay ito sa kaban ng barangay.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bicol Peryodiko kay Ginoong Rum Vines, in-charge sa patimpalak ng LGU Virac, sinabi nitong, labas umano ang kanilang tanggapan sa sigalot sa loob ng barangay. Mga opisyal umano ng barangay ang dapat magpaliwanag sa mga residente.
Sa kabila, nagpahayag ng kanyang kagalakan si Mayor Laynes sa matagumpay na proyekto at simula pa lamang umano ng kahalintulad na programa at itutuloy umano nila sa mga susunod pang mga buwan.