Virac, Catanduanes- Pormal ng nai-turn over sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Virac District Jail ang primary suspect sa pagkakadiskubre ng tinaguriang mega shabu laboratory sa Brgy. Palta Small ng bayang ito noong Nobyembre 2016.

Kasama ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Manila, NBI-V Regional Director Atty. Thomas Enrile, miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Philippine National Police (PNP), Virac Municipal Police Station, isinauli na ng NBI ang warrant of arrest sa sala ni Hon. Lelu P. Contreras, ang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 43 kasama si Atty. Eric Isidoro, ang itinuturong prime suspect sa nasabing shabu laboratory noong Abril 13, 2018. Sa harap ng local media, sinabi ni Contreras ang mga basehan ng kanyang order na ikulong si Isidoro sa lalawigan.

Ayon kay Contreras, nararapat lamang na sa kustodiya ng BJMP ikulong si Isidoro dahil ito ang tamang lugar upang ipiit ito dahil nasa hurisdiksyon ito ng RTC-Catanduanes. Naunang sumuko si Isidoro sa kamay ng NBI noong Marso 20, 2018 kung saan ito nagtatrabaho at agarang hiniling sa hukuman sa pamamagitan ng abugado na panatilihin ito sa kustodiya ng NBI na agad namang dineny ng hukom. Pagtitiyak ng hukom na magiging ligtas ang suspek kung ito ay ikukulong sa lalawigan kumpara sa Metro Manila.

Matatandaang, hiniling ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre III ang paglipat ng kaso mula sa RTC Catanduanes patungo sa Metro Manila sa kadahilanang impartial umano si Judge Contreras at may mga intervention umano ito bago pa lumabas ang kontrobersyal na search warrant upang halughugin ang nasabing shabu laboratory.

Hiniling din ng mga state prosecutors na mag-inhibit ang nasabing huwes sa kaparehong kadahilanan. Subalit paninindigan ni Contreras na ginagawa lamang umano nito kung ano ang nakasaad sa batas at sa rules of court.

Isiniwalat rin ni Judge Contreras na may dalawa (2) umanong NBI agents at isang (1) gobernador ang humingi sa kanya ng pabor upang mapanatili sa kustodiya ng NBI si Isidoro. Isa na umano rito si Atty. Rick Diaz ng NBI, “I receive a text message, number lang. ang sabi niya ‘Madi, si Pading Rick ini, pwede tabi akong mag-apod,’ so, knowing na Ric, I already knew si Pading Rick Diaz ng NBI. So, I said, Ok. So, he called up. Pero ako ang enot na nagtaram, sabi ko, Padi, maski dai ka pa magtaram, aram ko na kung ano ang sasabihon mo. At the back of my mind, aram ko kung ano ang sasabihon mo, and he was surprised. And then he told me that Atty. Isidoro called him up trying to ask favor from him that I will not have him committed in Virac, Catanduanes. I was really surprised because I never heard from Atty. Diaz for decades. Sabi ko, pasensya ka na padi, dai ko kayang paunrahan iyan na hinahagad mo na pabor na i-retain lang siya buda dai daa digdi i-commit,” pagsasalaysay ng Huwes.

Kaugnay nito, tinawagan rin umano si Contreras ni Governor Joseph C. Cua upang ipakiusap na panatilihin si Isidoro sa kustodiya ng NBI subalit nagtataka umano ang hukom sapagkat maliban umano sa salaysay na nakalagay sa urgent motion na hiniling ng kampo ng suspek, isa na rito umano ang dahilan ang seguridad kung saan nakasaad umano sa mosyon nito na nangangamba umano itong ipapatay ni Gob. Cua kung kaya’t nagtataka si Contreras kung bakit mismong ang gobernador ang humingi ng pabor sa kanya.

“Last night, nag-start ning 6:40 in the evening ang apod ni Governor Cua, he called me up, requesting again Atty. Isidoro not to be detained in Catanduanes. Ang sabi ko, Gob. Ika pa palan ang nag-request? Ika ngani ang tinatakutan ni Atty. Isidoro na darahon digdi ta ipapagadan mo daa? Nabigla man ngani si Gob.” Pahayag nito. Sinabi naman umano ni Gob. Cua na nahihiya umano itong tawagan ang hukom dahil alam ni Contreras na ni minsan ay hindi umano ito tinawagan ni Cua at humingi ng pabor sa loob ng labing-dalawang (12) taon na panunungkulan nito bilang hukom sa Catanduanes subalit napakiusapan lamang umano ang Gobernador ni Atty. Isidoro.

“Sabi ko, Gob. Pasensya ka na, pang-tolo ka na, pasensya ka na ta dai ko talaga babawion pa ang posisyon ko na darahon siya digdi, digdi siya i-detain. Sabi ko sabihon mo ki Atty. Isidoro, maski si Duterte pa ang umapod dai talaga ako mabago kan sakuyang posisyon,” ayon kay Contreras.

Sinabi rin nito na matapos ang tatlong oras ay tumawag ulit ang gobernador at sinabi umano nito ang huling hirit na hilingin sa korte na kung maaari ay dadalo lang ito tuwing may hearing sa lalawigan at babalik sa Manila pagkatapos. Subalit ayon kay Contreras, “That is equivalent to someone who post a bail. Sabi ko, pasensya ka na talaga Gob. dai ako matao nin special favor.”

Bukod pa rito, naniniwala ang hukom na mas paborable at ligtas umano sa mga testigo ang paglilitis sa lalawigan dahil hindi na umano ito kinakailangan na bumiyahe ng mahabang panahon upang makapag-testigo sa kaso. Samantala, tiniyak rin ng pamunuan ng BJMP sa pangunguna ni Jail Senior Inspector Emmanuel O. Arandia na walang magiging special treatment sa akusado sa loob ng kulungan.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.