Virac, Catanduanes-  Pormal ng nagtake-over ang National Electrification Administration (NEA) sa pamunuan ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO).

Sa isang Office Order No. 2018-119 na may petsang Mayo 30, 2018 na nilagdaan ni NEA Administrator Edgardo R. Masongsong, itinalaga bilang Project Supervisor/Acting General Manager (PS/AGM) ng  FICELCO si  Orlando M. Andres batay na rin sa Sec. 4(e) at 5 ng Presidential Decree No. 269.

Matatandaang kamakailan, iba’t-ibang sektor kabilang na ang mga lider ng simbahan, watchdogs, Sangguniang Bayan ng Virac at mga negosyante ang nanawagan sa NEA na kunin na ang pamamahala dahil sa hindi matapos-tapos na power crisis sa Catanduanes.

Dinumog ng mga raliyista ang tanggapan ng FICELCO noong Mayo 22, 2018 upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa paulit-ulit na power outages na nararanasan sa probinsya sa nakalipas na mga araw. Hinimok ng mga ito na magbitiw sa pwesto si FICELCO Board of Director President Alex Ang Hung dahil sa kabiguan nitong ma-aksyunan ang mga nasabing isyu.

Sa pagkakatalaga kay PS/AGM Andres siya ang inaasahang mamamahala sa day-to-day operations ng kooperatiba upang tiyaking sufficient ang electric service sa mga member-consumers nito. Bukod pa rito, binigyan rin ng NEA si Andres na mag-approve o mag-disapprove sa iba’t-ibang Board Resolutions ng FICELCO. Kasama rin ditto ang pagpirma ng mga tseke, withdrawal slips at iba pang transaksyon sa bangko na may layuning mapabuti ang operasyon nito.

Samantala,  ang designasyon ni Andres bilang AGM ay matatapos lamang kapag nagkaroon na ng regular appointment  ang full-pledge General Manager batay na rin sa kompirmasyon ng NEA.

Samantala, nito lamang ilang araw sumailalim na sa masusing inspection at servicing activity ang 3.6MW bunker fuel generator ng National Power Corporation (NPC). Dumating ang siyam na technicians mula sa NPC Power Barge na siyang tumutulong para makumpuni  ang nadiskubreng problema sa makina matapos ang walong buwang pamamahinga nito. (RD4)

Advertisement