Nasungkit ng Bicolana beauty pageant candidate ang pinakaunang titulo ng Bicol Region sa pinakaprestihiyusong Miss Universe 2018 na ginanap sa bangkok Thailand.

Sa isinagawang kompetisyon noong Disyembre 16, ginulantang ni Fil-Australian Catriona Magnayon Gray ang buong sambayanang Pilipino nang itinghal ito bilang Miss Universe laban sa humigit kumulang 94 na mga kandidato mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Bilang pagbibigay ng pinakamataas na pagkilala, ikinakasa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Oas, Albay ang pagpapatayo ng isang life-size na estatwa para sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa na si 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Ayon kay Oas Mayor Domingo Escoto, Jr., ang estatwa ay magiging kasing-laki mismo ng Miss Universe na si Catriona, at ito ay itatayo sa Oas Municipal Garden Park.

Sa isang pahayag sa media, sinabi ni Mayor Escoto na ang nasabing estatwa ay magsisilbing inspirasyon ng mga susunod na henerasyon. “That here, we had a Miss Universe who represented Oas and the entire Philippines.”

Gayunman, ang nasabing plano ay kailangan pa umanong dumaan sa konsultasyon at basbas ng buong mamamayan ng Oas, bagaman, positibo ang alkalde na wala umanong kokontra sa naturang hakbang. Dagdag ni Escoto, gusto niyang Bicolano artist or sculptor ang gagawa ng disenyo para sa  nasabing estatwa.

Ang balakin ni Escoto ay suportado ng premyadong awtor na si Abdon Balde, Jr., na tubong Oas din at katunayan, nagbigay din ito ng suhestiyon na idagdag sa disenyo ang lava-inspired gown na suot-suot ni Catriona nang koronahan siya bilang Miss Universe.

“They could commission a good sculptor to do the image of Gray with the now famous lava flow gown while holding the Miss Universe crown on her head,” ayon sa awtor. Payag din siyang sa garden park ng Oas ilagay ang estatwa.

Samantala, agad ding nagpalabas ng pahayag si Congressman Joey Salceda sa pagkakapanalo ni Catriona. Angkin umano ni Catriona ang ugali ng isang Albayano na inihandang mabuti ang sarili para sa nasabing laban. “Just like all of us. When we prepare for a calamity we always emerge triumphant. Catriona was the most prepared candidate so she got the crown”, paglalahad ng solon.

Pinaghambing din ng kongresista si Catriona sa bulkang Mayon. “Catriona is regal while Mayon is majestic.”

Bagaman imposible na umano sa ngayon, subalit umaasa ang mga taga-Oas na magkakaroon ng homecoming ang Miss Universe. “We want to give her a Hero’s welcome and a motorcade around Albay,” ayon kay Escoto. Ngunit sa ngayon, ang Miss Universe Organization ang nangangasiwa sa lahat ng schedule ni Catriona, at kailangan niyang manirahan sa Miss Universe Residence sa New York City sa loob ng isang taon at libutin ang buong mundo para sa kanyang kampanya sa kanyang mga adbokasiya.

Si Catriona ang ikaapat na Bicolana na sumabak sa Miss Universe subalit siya ang pinakaunang nakasungkit ng titulo para sa rehiyon.

Noong 1999, kamuntik masungkit ni Miriam Quiambao ang korona ngunit ito ay napunta kay Miss Ghana kaya First Runner-Up na umuwi si Quiambao na tubong Bacacay Albay. Noong 2010 naman nang subukan ni Venus Raj ng Camarines Sur na sungkitin ang korona subalit nagtapos ito sa  pagiging 4th Runner-Up.

Nitong nakaraang taon lamang nang maging kinatawan ng bansa sa Miss Universe ang  nobya ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte na si Rachel Peters. Ngunit hanggang semi-finalist lamang ito matapos mapasama sa Top 16 bilang isang wildcard. Ngayong taon, tuluyan na ngang inangkin ng isang Bicolana ang Miss Universe crown sa pamamamgitan ni Catriona.

Advertisement