VIRAC, CATANDUANES – Sa pinakaunang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan para sa taong 2019 nitong Eneror 4, isinailalim ng Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes sa state of calamity ang Catanduanes.

Pangunahing dahilan ng deklarasyon ay ang lawak ng iniwang pinsala ng nagdaang Tropical Depression na si Usman sa mga huling araw ng 2018.

Una rito, nagsumite ng liham si gobernador Joseph Cua para sa SP noong December 30, 2018 kung saan hinihiling ng gobernador na ipasa ng Sanggunian ang isang resolusyon na magdi-deklara sa lalawigan ng Catanduanes bilang calamity area. Ito umano ay kasunod ng napagkasunduan sa pulong ng PDRRMC na pinangasiwaan ng gobernador noong umaga ng December 30.

Sa minutes ng nasabing PDRRMC meeting, nabanggit ang pagkaka-isolate ng mga bayan ng Caramoran at Pandan, gayundin ang mga bayan ng Viga, Panganiban at Bagamanoc dahil sa mga naitalang pagguho ng lupa. Sa datos ng PDRRMO, umabot sa 13 ang landslide sa Catanduanes kung saan lima dito ang lubos na nagpaparalisa ng byahe patungo sa mga nabanggit na munisipyo. Dagdag pa ng PDRRMO, humihingi din umano ng ayuda para sa mga pagkain ang mga residente ng Viga, at iniulat din nila na sa pananalasa ng Usman ay may naitalang apat na bahay na nasira.

Sa pagtala ng PDRRMO, umabot din sa 13.3 milyong piso ang kabuuang halaga ng infrastructure ang nasira ng Usman, samantalang 12 milyong piso naman ang kabuuang pinsala sa fisheries and agriculture. Ayon sa nasabing tanggapan, sapat ang mga danyos na ito upang maideklara ang buong lalawigan sa ilalim ng state of calamity.

Ngunit sa nasabing pulong, iminungkahi ni DILG Provincial Director Uldarico Razal na kung makalipas ang isang linggo at nananatiling unpassable ang mga baradong road network ay saka lamang maaring magdeklara ng state of calamity. Ngunit ayon sa gobernador, masyado umanong mahaba ang isang linggo kaya iginiit niya na magkaroon ng deklarasyon upang makapaglabas ng pondo na maaring gamiting pambili ng langis at rental sa mga equipment na susuyod sa mga landslide.

Samantala, sa isinagawang deliberasyon sa SP Session, isinalaysay ni Provincial Accountant Sonia Villaluna ang mga pamantayan sa pagdi-deklara sa isang lugar sa ilalim ng state of calamity. Isa sa kanyang binanggit, “If major roads and bridges are destroyed and unpassable for at least a week, thus, disrupting the flow of transport and commerce.”

Batay sa mga ulat, na-isolate lamang ang mga bayan ng Caramoran, Pandan, Viga, Panganiban at Bagamanoc noong December 29, 30 and 31.

Kaugnay sa nasabing deklarasyon, kinumpirma ng Provincial Budget Office na mayroong 7.9 milyong pondo mula sa calamity fund na magagamit, maliban pa ang 12 milyong pisong halaga na maaring maidagdag mula sa Quick Response Fund.

Si PBM Rafael Zuniega ang may-akda ng resolusyong nagsasailalim sa lalawigan ng Catanduanes bilang isang calamity area dahil kay Usman.

Advertisement