VIRAC, CATANDUANES – Matapos ang matagumpay na launching ng rehabilitated Cawayan source ng VIWAD, masayang ipinahayag nina Virac Mayor Samuel Laynes at VIWAD Board Chair Gabriel Tejerero na dalawa pang malalaking proyekto ang bubuksan ng VIWAD sa unang kwarter ng susunod na taon.

Sa pahayag na alkalde, dalawa pang water sources ang nakatakdang simulan sa unang kwarter ng 2019. “We are establishing the Inagasan and Maridong water sources,” ayon kay Laynes. Umaabot sa 30 milyon ang nakalaang pondo para sa pagbubukas na ito ng dagdag pang source ng tubig. Paliwanag ng alkalde, ang Inagasan at Maridong ang magiging dagdag na suplay ng tubig para sa Poblacion ng Virac lalo na sa panahon ng tagtuyot. “Cawayan source will be exclusive for upland use.”

Maliban diyan, may isa pang 30 milyong pisong pondo para sa pagsasagawa ng isang filtration facility upang matiyak na malinaw na tubig ang darating sa mga kabahayan.

“All of this happening on the first quarter of 2019,” ayon kay Tejerero.

Samantala, lubos ang kasiyahan ng VIWAD concessionaires’ mula sa mga barangay ng SIV, Imperial, Our Lady’s Village, Valencia, Cavinitan, Calatagan at Moonwalk dahil non-stop na ang suplay ng tubig kasunod ng pagbubukas ng rehabilitated Cawayan source ilang araw bago mag-Pasko.

Sa loob ng maraming taon, gabi kung dumating sa ilang nabanggit na mga barangay ang tubig, ngunit ngayon kahit anong oras, mayroon ng suplay ng tubig. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement