Virac, Catanduanes – Tahasang inihayag ni dating gobernador at congressional frontrunner Hector Sanchez na hindi siya aatras sa congressional bid para sa May 2019 elections.

            Sa kalatas na inilabas ng dating gobernador, sinabi nitong walang katotohanan ang lumabas na impormasyon sa isang lokal na pahayagan na plano niyang umatras at naghahangad siya ng reimbursement ng kanyang mga ginastos sa nakalipas na halalan.

            “ I vehemently and categorically deny such malicious and false article. I will not withdraw my candidacy for congressman of Catanduanes and I am not seeking reimbursements for my expenses”, paglalahad ng congressional candidate.

            Mariing sinabi nitong nananatili ang kanyang commitment na makapagsilbi sa mga mamamayan ng lalawigan kung kaya’t wala sa kanyang isip ang umatras.

            Dahil dito, nakikipag-ugnayan na umano siya sa kanyang mga legal counsels upang bigyan ng kaukulang pansin ang malisyuso at maling impormasyon upang mapanagot ang nasa likod nito kasama na ang pagsasampa ng kaukulang civil at criminal charges.

            Nitong nakalipas na linggo, una ng nagpatawag ng press conference si Sanchez at pinabulaanan nito ang naturang scenario.

            Ayon sa kanya, walang katotohanan ang naturang tsismis at nagpapatuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado upang maging malakas ang kanilang grupo.

            Inilahad din nito sa media ang  kanyang mga plano sa lalawigan. Kasama rito ang mga valuable projects kagaya ng pagresulba sa matagal ng problema sa kuryente, mabagal na wifi, turismo, livelihood at iba pang basic needs ng mga mamamayan.

            Kanya rin aniyang isusulong ang pagbawal sa pakikiaalam ng mga lehislador lalo na sa tongpats o SOP na siyang nagiging daan upang mabalasubas ang mga proyekto.

            Malinis na serbisyo umano ang kanyang nais ipursige at kanya na itong sinimulan sa kanyang panunungkulan bilang gobernador ng lalawigan ilang taon na ang nakalilipas.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.