VIRAC, CATANDUANES – Sa patuloy na pag-usad ng mga kaso kaugnay sa shabu laboratory, binigyang katuparan ang isang Court Order ng Makati City RTC Branch 63 na magkaroon ng on-site hearing kasabay ng  ocular inspection at remarking ng mga ebidensya.

Isang makeshift court ang itinirik sa harap ng shabu lab warehouse kung saan nagharap ang mga kinatawan ng prosekusyon mula sa Department of Justice sa pangunguna ni Senior State Prosecutor Juan Pedro Navera, ang mga abogado ng mga akusado na sina Atty.  Borres at Atty Pedro Tresvalles, mga saksi mula sa hanay ng PDEA, CIDG, CRIME LAB  at PNP.

Ang nasabing pagdinig ay pinangasiwaan ni Makati City RTC Branch 63 Clerk of Court Atty. Catherine Batac.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Atty. Enrique Rigor, Chief of Legal Investigation Division ng PNP Drug Enforcement Group, layunin din ng nasabing on-site hearing na ma-inspeksyon ang mga ebidensya at tuluyan nang maisumite sa husgado. Bahagi rin umano ng nasabing hearing ang markahang muli ang bawat inihaing ebidensiya.

“Because most of the evidences have been disarrayed and faded after the warehouse had been wiped out by typhoon Nina on 2016. So the Court decided to remark and rephotograph them,” ayon kay Rigor. Pagkatapos umano nito ay inaasahan na ang pagbaba ng isa pang Court Order para sa agarang destruction ng mga ebidensiya.

“All evidences, after taking samples, will be burnt,” paliwanag ni Rigor. “While the edifice, under law, upon conviction and upon proper motion, will be forfeited in favor of the government including the whole parcel of the land where said edifice is erected.”

Ipinaliwanag din ni Rigor ang mga dinaanang aberya ng kaso kaya masasabing nagging mabagal ang pag-usad nito. “We started in the filing of cases at the Catanduanes RTC. However, the Prosecution motioned for the inhibition of the local judge to try the case and we waited until the Supreme Court finally decided kung saang korte ipa-file ang kaso.”

Agosto noong nakaraang taon nang bumagsak sa sala ng Makati City RTC Branch 63 ang kaso. Nang sumunod na buwan, Setyembre, nang ipag-utos ng Makati RTC na mailipat sa Makati City Jail ang mga akusadong sina Atty Eric Isidoro na sinampahan ng kasong Conspiracy to Manufacture Illegal Drugs, at Lorenzo Pinera II na nahaharap naman sa mga kasong Possession and Manufacture of Illegal Drugs.

November 2016 nang madiskubre ang shabu lab na sinasabing pinakamalaking pabrika ng droga na nadiskubre sa Pilipinas. Dito ay nasamsam ng otoridad ang mahigit 100M na halaga ng shabu at mga ephedrine.Ayon kay Atty. Rigo, “We will make sure this case will be prosecuted to the fullest. We will strive for conviction, and to apprehend other accused who remained at large.”

Advertisement