VIRAC, CATANDUANES – Kaagad ibinasura ng Justice Committee ng Sangguniang Panlalawigan ang panukalang baguhin ang pangalan ng Virac Airport at gawing Max Jim Tria Airport.
Sa isinagawang pagdinig ng komite noong Marso 13, dumating si Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Manager Froilan Deliso na nagsabing wala siya sa posisyon upang magrekomenda na mapalitan ang pangalan ng paliparan. Hindi rin dumating ang iba pang resource persons mula sa lokal na pamahalaan ng Virac gayundin mula sa Tourism Council ng lalawigan.
Sa pagbasura sa nasabing panukala, iisa lamang ang naging dahilan ng komite na pinamumunuan ni Board Member Arnel Turado. Ang nasabing hakbang umano ay magbubunga lamang ng kalituhan lalo na sa mga turista na hindi pa masyadong nakakakilala sa Virac o sa lalawigan ng Catanduanes.
Magugunitang isinalang ni Acting Vice Governor Rafael Zuniega ang resolusyon sa kanilang 11th regular session, Marso 11, kung saan hinihiling niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na mapalitan ang pangalan ng Virac Airport at gawing Max Jim Tria Airport sa pamamagitan ng isang Presidential Proclamation.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Zuniega na layunin ng resolusyon ay ang kilalanin ang kabayanihan ni Tria na namatay sa pagtatanggol ng soberenya ng bansa sa madugong labanan sa Mamasapano noong 2015 kung saan 44 na kasapi ng Special Action Force ang nasawi kabilang si Tria na tinaguriang “The last man standing”.
Ngunit ang layunin ni Zuniega na parangalan ang lokal na bayani ng Catanduanes ay umani ng iba’t ibang reaksyon sa nitizens sa social media. Hindi lamang si Zuniega.
Ayon kay Guio Tria, kapatid ni Max Jim, nasaktan ang pamilya sa mga reaksyon ng netizens. Hindi umano nila pinangarap ang kagustuhan ni Zuniega. Nag-apela rin sila na igalang ang alaala ni Max Jim at huwag nang maisali sa debatehan sa social media.
Samantala, walang anuman kay Zuniega ang naging desisyon ng komite na ibasura ang kanyang proposisyon. Para sa kanya, ginawa umano niya ang inaakala niyang tama upang kilalanin ang kabayanihan ng isang kababayan.Sa kabilang dako, kalakip ng desisyon ng SP Committee on Justice, ang patuloy na paghanga ng buong Sanggunian kay Max Jim. Katunayan, sa report na nakatakda nilang ilabas ay imumungkahi nila na ipagtirik ng isang rebulto si Tria sa lugar kung saan ito ipinanganak sa barangay Cabihian sa bayang ito.