Sa kabila  ng malaking pangangailangan ng gamot sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC), hindi pa maaprubahan ang kontrata ng Planet Drugstore Corporation (PDC) upang maging ‘sole supplier’ ng gamot sa nasabing ospital.

Sa isinagawang 4th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa bayan ng Panganiban nitong nagdaang ika-14 ng Hulyo. Naging masigla ang talakayan ng nasabing pag-aapruba ng kontrata ng PDC, kung saan iginiit ni PBM/Dr. Santos Zafe, Chairman on Committee on Health, sa kanyang privilege speech ang malaking pangangailangan ng gamot sa EBMC. Ito ay bilang tugon sa dumaraming kaso ng pasyente bunga dengue outbreak na nagangailangan ng karampatang gamot na sinangayunan naman ni PBM Giovanni Balmadrid.

Subalit, nilinaw ni PBM Rafael Zuniega, Vice-Chairman on Committee on Health, na sa kasalukuyan ay hindi pa natatalakay ang resulta ng Committee Hearing (nag-inhibit bilang Chairman sa isinagawang Committee hearing si PBM Zafe para maiwasan ang conflict of interest sapagkat nagmamay-ari siya ng isang kilalang pharmacy sa probinsya)  noong nagdaang Hulyo 17, 2019 para maaprubahan ito sa 4th Regular Session.

Samantala, kasalukuyan umanong inaantay ng Committee on Health ang mga dokumento at mga katibayan na may “loopholes” umano ang transaksyon ng PDC sa EBMC. Mula ito sa naging pahayag ni Engr. Felix Vargas ng Bids and Awards Committee (BAC) ayon kay PBM Zuniega. Kaya nagmungkahi itong imbitahan ang BAC sa susunod na sesyon para linawin ang mga nasabing loopholes.

Nagtapos ang sesyon na hindi napagdesisyunan kung aaprubahan ang nasabing kontrata at iminungkahi na lamang ni PBM Edwin Tanael na talakayan sa sesyon ang base sa agendang nakakalendaryo sa 4th Regular Session at ipagpatuloy ito sa susunod na sesyon. (Ulat ni Joni Panti)

Advertisement