VIRAC, CATANDUANES – Maari umanong abutin ng hanggang tatlong bilyong (3Billion) piso ang magiging kabuuang budget sa on-going rehabilitation project ng Imelda Boulevard, at matatapos umano ito bago tuluyang bumaba sa posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay DPWH District Engineer Gil Augustus Balmadrid, nagkaroon umano ng maraming modification sa nasabing proyekto si Cong. Hector Sanchez upang higit pang mapaganda ang nasabing lugar.
Kwento ni Balmadrid, 12 meters ang inisyal na plano ng ekstensyon ng boulevard paabante sa dagat, ngunit kaugnay sa oposisyon ng ilang grupo, ang 12 meters ay naging 5 meters na lamang at ito ngayon ang proyektong umuusad sa boulevard.
“However, Cong. Sanchez suggested an additional 5 more meters extension pero walang tatabunang buhangin,” ayon kay Balmadrid. “The extension will be of a platform type na parang veranda.”
Babaguhin din umano ang existing na desenyo ng mga pailaw sa boulevard na ihahalintulad sa mga ilawan ng Roxas Boulevard sa Metro Manila. Ayon kay Balmadrid, nasa designing na ang kanilang opisina ng mga ilawan.
Mula sa barangay ng Palnab, umaabot umano sa apat na tulay ang itatayo upang mabuo ang Imelda Boulevard na magtatapos hanggang sa dulo ng Barangay San Vicente.
Nang simulan ang proyekto two years ago, mayroon itong inisyal na budget na halos isang bilyong piso, ngunit ayon kay Balmadrid, kaugnay sa umano’y additional details kaya maari umanong umabot hanggang sa tatlong bilyon bago ito tuluyang matapos.Bilang bahagi ng Build Build Build program ni Pangulong Duterte, inaasahang matatapos ito bago tuluyang bumaba sa pwesto ang president. “And we expect the President to personally inaugurate the said project,” wika pa ni Balmadrid