VIRAC, CATANDUANES –  Dahil sa estilo na siyang modus sa  panggagahasa, maari umanong tawaging  serial rapist na merong pinakabagong biktima na isang junior high school.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng korte, nasa dalawampu (20) na umano ang kinasangkutang rape case ng suspek na si Mark Anthony Romero, at marami doon ang umano’y magkakaparehas na modus sa pagsasagawa ng krimen.

Matatandaang, Oktubre noong taong 2012 nang arestuhin si Romero para sa sampung kaso: 4 counts na kaso ng rape, isang rape with abduction at marami pang iba. Isang 17-yr old na estudyante ang complainant at sinabing isinakay umano ni Romero sa traysikel, dinala sa isang kubo sa barangay Sto. Domingo saka doon ginahasa nang ilang beses sa magkakahiwalay na pagkakataon.

Pagkaraan ng dalawang taon, August 2014, umabot na sa 18 ang kasong rape na isinampa kay Romero, at sa taong ito muli siyang inaresto dahil sa kidnapping, illegal detention at attempted rape. Sa taong ito, isang 20 anyos na babaing buntis ang kanya umanong naging biktima na ayon sa salaysay ay isinakay din siya ni Romero sa traysikel at dinala sa isang kubo sa barangay ng Sto. Domingo at doon pinagtangkaang gahasain.

Ang pinakahuli nitong nakaraang linggo, Hulyo 25, nang isinakay din sa traysikel ang dalagitang biktima at dinala sa kaparehong lugar at doon isinagawa ang krimen.

Ayon sa opisyal ng korte, “The pattern is clear. He uses the same modus, this tricycle ride and he brings his victim in only one place.” Kaya maari umanong taguriang serial rapist ang suspek na si Romero. Samantala, ilang buwan pa lamang ang nakararaan nang masentensiyahan si Romero sa kasong rape sa Branch 42 ng RTC. Bumaba ang kanyang  penalidad makaraang maghain siya ng plea bargain agreement, na naging dahilan ng kanyang kalayaan.