BATO, CATANDUANES – Isang Junior High School na estudyante, 15 anyos ang pinakabagong biktima ng umano’y rapist na bumagsak sa kamay ng otoridad matapos positibong kilalanin ng biktima noong nakaraang linggo.

Sa salaysay ng biktimang si Baby (Hindi tunay na pangalan) na ipinabatid sa Bicol Peryodiko ito ng mga kaanak, mag-iikapito ng gabi noong Hulyo 24 nang lumabas ang biktima sa isang mataas na paaralan mula sa bayan ng Bato pagkatapos ng klase at agad sumakay sa pinarang traysikel. Muli umanong pumara ang dalagita nang makarating sa paroroonan ngunit kaagad umano siyang binusalan ng isang panyo sa mukha na naging dahilan ng kanyang agarang pagkahimatay.

Mag-uumaga noong Hulyo 25 nang magising si Baby sa isang kubo na matatagpuan sa barangay ng Sto. Domingo sa bayan ng Virac. Sa nararamdamang kirot mula sa maselang bahagi ng kanyang pagkatao ay alam niyang ginahasa siya, bagaman hindi niya alam kung ilang lalaki ang humalay sa kanya. Ang alam umano ni Baby, dalawang lalaki ang nakasakay sa sinakyan niyang traysikel.

Naglakad nang naglakad si Baby hanggang sa makarating siya sa Virac Sports Center kung saan ang paradahan ng mga traysikel pauwi sa kanila sa Bato. Pagdating sa bahay, agad niyang ikinuwento ang nangyari sa kanya.

Walang inaksayang sandali ang pamilya ni Baby. Agad ipinaalam sa Bato police ang pangyayari. Agad namang nakipag-ugnayan ang Bato police sa Virac Police na nagbigay naman ng mga larawan ng persons of interest. Inilatag sa harapan ni Baby ang mga larawan, at agad umano itong nanginig sa takot, napaiyak at napasigaw hanggang sa halos mawalan ng malay nang Makita ang pamilyar na mukha sa larawan.

Agad na nagsagawa ng isang hot pursuit operation ang Bato at Virac Police, at positibong itinuro ni Baby ang lalaki na kinilala ng pulisya sa pangalang Mark Anthony Romero y Flores ng barangay Bigaa.

Sa himpilan ng pulisya, isinagawa ang body search kay Romero bago siya tuluyang ipasok sa selda, at isang pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha ng otoridad mula sa bulsa ng suot nitong shorts. Nahaharap sa kasong abduction with rape ang suspek.