VIRAC, CATANDUANES – Nakatakdang itatag sa loob ng bakuran ng kapitolyo ang isang tourism farm.

                Ayon kay  Tourism Officer Carmel Garcia, ipapakilala sa publiko ang naturang proyekto sa darating na Oktubre sa panahon ng pagtatanghal ng Catandungan Festival.

                Magugunitang sa Inaugural Address ni Acting Governor Shirley Abundo, pinuna niya ang malawak na lupain sa loob ng capitol, na sa loob ng napakahabang panahon ay nakatiwangwang lamang. Sa inisyal niyang plano, tinawag niya ang atensiyon ng Provincial Agriculture’s Office na pangasiwaan ang pagtatranim ng mga gulay sa nasabing mga bakanteng lugar.

                Nitong nakalipas na linggo,  isang proposisyon ang isinumite ni Tourism officer  Garcia kay AG Abundo upang rebisahin ang plano. Sa panukala ni Garcia, iku-convert ang idle lands ng capitol bilang isang Tourism Farm na tatawaging Capitol Farmville.

                Plano ni Garcia, maglalaan ng sapat na espasyo para gawing abaca farm. Paliwanag niya, ang Catanduanes ang Abaca Capital ng Pilipinas at marami umanong turista na kapag nasa lalawigan ay bumibiyahe upang makakita ng abaca plants at kung papano din pinu-produce ang abaca fiber.

                “So without going far, our tourists  can see abaca plants,” ayon kay Garcia. “And in addition, this Abaca Farm will be in consonance and in support to our celebration of Abaca Festival.”

                Sa Capitol Farmville, malaki ring espasyo ang ilalaan upang maging taniman ng mga ornamental at flowering plants. “Virac is celebrating Burac Festival but other than the Borja Farm in Simamla, wala na tayong iba pang flower gardens sa Catanduanes to represent Burac Festival.”

                Maliban sa orihinal na vegetable gardens, ipinanukala rin na magkaroon ng Garden of Herbs kung saan pwedeng makita ang iba’t-ibang herbs kagaya ng Basil, Cilantro, Tarragon, Mint, Dill, Citronella, lemongrass, oregano at marami pang iba.                Dagdag pa ng tourism officer, magiging kabilang sa attraction ng lalawigan ang nasabing Capitol Farmville.

Advertisement