Virac, Catanduanes – Ikinalungkot ni PBM Edwin Tanael ang panukala ni Provincial Board Member (PBM) Santos Zafe na na ibalik sa national government ang pamamahala sa EBMC.
Sa isinagawang 9th Regular Session sa Sangguniang Panlalawigan noong ika-27 ng Agusto 2019, pinuna ni SP Chairman, Committee on Health BM S Zafe sa kanyang privilege speech ang mga hindi umano makatarungang serbisyo sa EBMC na maihahalintulad sa kanta ni Matt Monro na may titulong Mona Lisa na may mga katagang… “They just lie there… and they die there…”
Lumalabas umano na ninanakaw ng EBMC ang pribiliheyo at karapatan ng mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan upang makamit ng wasto at abot-kayang serbisyo ng kalusugan. Ang EBMC ay hindi umano maituturing na nagbibigay ng desente at may dignidad na serbisyo sa mga mahihirap tulad na lamang ng sobra-sobrang pasyente at mga pinababayaang kwarto.
“The EBMC STEALS the privilege and right of the poor and (the) marginalized to receive proper and affordable health services,” palalahad ni PBM Zafe.
Ang privielege speech ni Zafe ay batay na rin sa liham na ipinaabot ni Jun O. Torres ng Barangay Bigaa, Virac, Catandunes sa opisina ni Acting Governor Shirley A. Abundo noong Agusto 13, 2019 na humihingi ng tulong sa Sangguniang Panlalawigan.
Naglalaman ito ng kanyang kwento at karanasan sa loob ng nasabing ospital bilang basehan ng kanyang petisyon at reklamo na nagmumungkahing siyasatin at muling tingnan ang Provincial Ordinance na naglalayong gawing economic enterprise ang EBMC, at magsagawa ng mabilisang aksyon upang suspendihin ang nasabing ordinansa.
Nagpahayag naman ng pagsang-ayon sina PBM Arnel Turado, PBM Allan Del Valle at PBM Rafael Zuniega na ipasa na nasyonal na gobyerno ang pamamahala ng EBMC upang mabawasan ang hindi masulusyonang problema ng provincial government. Ngunit iginiit ni PBM Turado na dapat ay magkaroon muna ng pag-aaral kung legally feasible ba ang nasabing panukula. Inihayag naman ni PCLS interim President Allan Del valle at PBM Zuniega na siguraduhin munang hindi na ito babalik muli sa pangangalalaga ng pamahalaan ng probinsya.
Samantala, hindi naman sumang-aron sa panakula si PBM Tanael na siyang pangunahing proponent ng ordinansa nang maitatag ang Economic Enterprise.
Ayon sa kanya ang problema umano ng EBMC ay hindi masosolusyunan ng paglipat ng pamamahala sa nasyonal na gobyerno kung hindi sa mga programa at ‘guidelines for implementation na hanggang ngayon ay wala ang nasabing ospital. “Ang problema ng EBMC ay ang kawalan ng mabisang sistema sa pagpapatakbo nito”, paglalahad ng opisyal. Ayon sa kanya, sa kabila umano ng benepisyo na natatanggap mula sa pagpapasahod sa kanilang empleyado ay mas inuuna ng ilang empleyado ang pansariling interes na kikitain sana ng EBMC para sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo. “It itches me!” sentemientong tugon ni PBM Tanael. Sa panig naman ni PBM Giovani Balmadrid, iminungkahi nito sa sesyon ng magkaroon muna ng masusing pag-aaral tungkol sa nasabing panukala at erekomenda ang nasabing problema sa opisina ni Solon Hector Sanchez. (Ulat ni Joni Panti)