VIRAC, CATANDUANES – Hinimok ni Health Committee Chairman Board Member Santos Zafe na maimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang umano’y umiiral na dagdag-singil ng mga duktor sa Pay Ward patients ng EBMC.
Ang P500 additional Professional Fee umano ay inaprubahan ng Board of Trustees ng EBMC sa pamumuno ni suspended governor Joseph Cua. Ito umano ay hiwalay na kabayaran ng paying patients sa naturang ospital para sa mga manggagamot in private practice.
Ayon sa ilang duktor na tumangging tumanggap ng nasabing additional PF, ang mga duktor sa EBMC ay mga duktor ng gobyerno na tumatanggap ng buong sweldo mula sa gobyerno. Iregular umanong tingnan na ang mga public doctors ay nagpa-private practice sa loob ng public hospital.
Sa privilege speech ni Zafe, inisa-isa rin niya ang mga reklamo ng isang constituent na idinulog sa kanyang komite. Kabilang sa reklamo ang umano’y pagnanakaw ng EBMC, bilang isang economic enterprise, sa mga prebelihiyo at karapatan ng mga maralitang pasyente.
Dagdag sa reklamo ang umano’y worst sanitary condition ng nasabing ospital, overcrowded and neglected rooms at poor service na umano’y inaabot sa mga mahihirap na pasyente. Samantalang ang umano’y may well-to-do patients ay komportable at may malalaking silid dahil sa umano’y “‘under the table’ extras given to health professionals.”
Ayon kay Zafe, kapuna-puna umano ang nangyayaring diskriminasyon sa mga pasyente sa EBMC. “It is like being in two different worlds if you are to compare the condition of patients at the Pay Ward to the other wards.”
Wala naman umanong problema kung mabigyan ng best service ang paying patients, “But we should at least provide decency and dignity to our poor and underprivileged constituents.”
Bigo umano sa layunin ang conversion ng EBMC sa economic enterprise, taliwas sa mga isinusulong na paniniwala ng ilan.
Kaugnay nito, isinalang ni Zafe ang proposisyong maibalik na lamang sa national government ang EBMC. Samantala, sa kabila ng komunikasyon ng pahayagang ito kay EBMC Chief of Hospital Dr. Vietrez Abella, hindi nagbigay ng anumang komento o reaksiyon upang tugunan ang naturang mga reklamo.