CARAMORAN, CATANDUANES – Dalawang-daang libong piso (200,000.00) ang kabuuang danyos na tinanggap ng isang construction worker noong nakaraang linggo mula sa kanyang employer makaraang ito ay maaksidente mula sa pinagtatrabahuhang construction site.
Si Roderick Temena ay nakuryente mula sa isang project site sa loob mismo ng Caramoran School of Fisheries noong unang linggo ng Hulyo. Naputulan siya ng kamay at may ilang linggong nanatili sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC).
Kwento ng asawa ni Temena kay Dan Balilo ng DOLE, inaasikaso naman umano sila ng employer kaya wala silang balak i-akyat sa ahensiya ng pangyayari. Ngunit pagkaraan ng ilang linggo pa, kusa nang dumulog sa nasabing ahensiya si Temena dahil ayon umano sa kanya, hirap na siyang matustusan ang kanyang pagpapagamot at tuluyan na rin umano siyang inabandona ng employer.
Batay sa accomplished SENA form ng DOLE, si PBM Rafael Zuniega ang hinahabol na employer ni Temena, dahil ayon sa nasabing dokumento, ito umano ang contractor ng nasabing proyekto. Ayon kay Temena, isang buwan pa lamang siyang nagtatrabaho sa nasabing construction project nang maganap ang aksidente. Kaugnay nito, tuluyan na siyang na-imbalido dahil naputulan siya ng kamay, at ayon sa DOLE, may posibilidad umano na putulin ang isa pang kamay ni Temena.
Disability claims, injury claims, lost of income at bayarin sa pagamutan ang hinahabol ni Temena mula kay Zuniega.
Ayon kay Dan Balilo ng DOLE, inanyayahan ng kanyang tanggapan si Zuniega ngunit itinanggi umano nito ang partisipasyon sa nasabing proyekto. Dagdag ng incumbent Board Member, hindi kailanman umano niya naging trabahador si Temena, bagkus, ito umano ay manggagawa ng A.V. Laynes Construction and Supply na siya umanong totoong kontraktor ng nasabing proyekto.
Sa panayam ng pahayagang ito kay Zuniega, ang mga ayuda na naibigay niya kay Temena noong panahong ito ay nasa ospital ay bahagi umano ng kanyang assistance sa kanyang mga nasasakupan mula sa West District. “In addition, his wife is our relative.”
Sa non-appearance ni Zuniega sa mediation procedure ng DOLE, nag-desisyon ang ahensiya na ipatawag ang A.V. Laynes Construction gayundin ang DPWH. Paliwanag ng DOLE, kailangan umanong mabayaran ang lahat ng danyos at maari umano itong makuha ni Temena sa pamamagitan ng pakikiisa ng DPWH, na siyang nagbabayad sa mga contractor. Noong August 15, kinumpirma ng DOLE na nabigyan na ng kabuuang 200 Thousand damages si Temena. Bagay na lubos na ipinagpasalamat ng biktima.