SAN MIGUEL/BAGAMANOC, CATANDUANES – Dalawa sa limang Good Conduct and Time Allowance (GCTA) beneficiaries sa New Bilid Prison mula sa lalawigan ng Catanduanes ang kusang sumuko sa himpilan ng pulisya noong nakaraang linggo mula sa mga bayan ng San Miguel at Bagamanoc.
September 6, 2019 nang sumuko ang rape convict na si Rodolfo Tapia, 57 years old at isang mangingisda mula sa barangay ng Suchan sa bayan ng Bagamanoc. Batay sa datos, nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Tapia noong 2011, ngunit alinsunod sa probisyong nakasaad sa GCTA, lumaya siya noong June 3, 2016.
Samantala, September 6 din nang sumuko sa kapulisan ng San Miguel si Nelson Bailon na nahatulan din ng habambuhay noong 1993 kung saan 20 anyos pa lamang siya. Edad 47 na ngayon si Bailon na nakulong sa loob ng 27 taon.
Ang kontrobersiya tungkol sa GCTA ay pumutok kamakailan kaugnay sa naunsiyaming paglaya ni rapist-murderer Antonio Sanchez. Kasunod nito ay ang paglitaw ng ilang personalidad na nagpapatunay na ang GCTA ay isa umanong malaking negosyo na pinagkakitaan ng matataas na opisyal ng Bureau of Corrections. Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na arestuhing muli at ibalik sa kulungan ang lahat ng presong lumaya na pawang benepisyaryo ng GCTA.
Sa panayam kay Bailon ng Bicol Peryodiko, itinanggi niyang nagbigay siya ng salapi o anumang bagay kapalit ng pagiging GCTA beneficiary. Ayon sa kanya, sa kolonya (Iwahig) ay nagtatanim sila na ang lahat ng ani ay para sa BuCor. Pero dagdag niya, may mga handicraft silang ginagawa na ang kinikita ay pinaghahati-hatian naman nilang lahat.
“Pero kulang naman po yon para sa pangangailangan namin,” paglalahad ni Bailon.
Bagaman masama ang loob ay sumuko si Bailon nang mabalitaan ang kautusan ng Pangulo. Ngunit panawagan niya sa Presidente, “Sana po tuluyan na niyang maibigay sa amin ang kalayaan para makapamuhay naman kami nang maayos. Sana maibalik sa amin ang binawing kalayaan.” Mula sa 27 years nang pagkakabilanggo sa Iwahig, nitong Agosto lamang nakauwi ng San Miguel si Bailon. Ibig sabihin, may isang buwan pa lamang niyang nae-enjoy ang kalayaan. Sa kabilang dako, patuloy naming tini-trace ng kapulisan sa lalawigan ang kinaroroonan ng iba pang GCTA beneficiaries mula sa lalawigan.