PANDAN, CATANDUANES – Sa unang linggo matapos maisailalim ang buong lalawigan ng Catanduanes dahil sa mataas na kaso ng dengue, isang possible dengue patient mula sa bayan ng Caramoran ang umano’y tinanggihan ng Pandan District Hospital at Pandan RHU.

Sa salaysay ni Marina Asanza, nilalagnat, namimilipit sa sakit ng tiyan at nagsusuka ang kanyang 15-years old na anak na babae kaya itinakbo niya ito, una, sa Caramoran RHU, ngunit wala umanong duktor doon kaya tumuloy sila ng Pandan District Hospital.

“Pero hindi na kami tinanggap kasi alas-onse na daw at marami silang labtest na kailangan tapusin,” ayon kay Asanza.

Sa panayam sa Medtech ng nasabing pampublikong pagamutan na nakilala sa pangalang Ms. Alcantara, inamin nitong tinanggihan niya ang pasyente dahil sa kaparehong dahilan. Dagdag niya, may patakaran umano sila na kapag alas-onse na, hindi na sila tatanggap at ipapasa na lamang sa RHU ang pasyente.

“Iyon ang arrangement namin kaya nai-refer namin ang pasyente sa RHU,” ayon kay Alcantara.

Mula sa Pandan District Hospital, nagtungo sa Pandan RHU ang mag-ina ngunit sa kasamaang-palad ay muli silang tinanggihan sa dahilang hindi umano sila residente ng Pandan.

Umuwi na lamang ang mag-ina at kinabukasan, nagtungo sila sa Datag District Hospital para mapatingnan ang anak.

Kwento ni Asanza, matapos umanong malantad ang balita tungkol sa refusal ng dalawang health facility sa Pandan, personal umanong nagsadya sa kanya si Pandan Mayor Tabligan at humingi ng paumanhin at nangakong sa susunod ay pwede na silang magpa-konsulta sa Pandan. Dagdag ni Asanza, tinawagan din umano siya ng Medtech na si Alcantara at sinabing hindi umano siya nito nakilala kaya tinanggihan.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.