VIRAC, CATANDUANES – Sa pamamagitan ng isang resolusyon hiniling ng Sangguniang Panlalawigan sa mga local hotel owners sa Catanduanes na gumamit ng Abaca materials bilang mga palamuti, souvenirs at housekeeping paraphernalias.
Ang resolusyon ay iniakda ni West District Board Member Rafael Zuniega na inaprubahan naman ng mga miyembro ng SP. Nakasaad dito na na ang Catanduanes ay idineklara ng 17th Congress bilang Abaca Capital ng Pilipinas dahil sa dami at de-kalidad na produksiyon at uri ng Abaca kumpara sa ibang lalawigan ng bansa. Sinasabing kailangan umanong ipakita ng bawat isa ang pagtataguyod sa Abaca by-products bilang ipinagmamalaking produkto ng lalawigan.
Kailangan din umanong pamunuan ng probinsya ang implementasyon ng iba’t-ibang programa para ma-improve ang produksyon ng iba’t-ibang by-products ng Abaca upang mapaangat ang antas para sa eco and agri-tourism programs ng lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, hiniling ng SP sa local hotels ng lalawigan na gamitin ang Abaca para sa kanilang dekorasyon kagaya sa mga hotel lobbies, functions halls, rooms, hallways, coffee shops at iba pa.Marami na rin umanong available souvenir items na gawa sa Abaca na maaring gamitin ng mga hotel as tokens para sa kanilang mga panauhin. Maliban pa ang pagpapagamit ng Abaca slippers para sa kanilang mga bisita.