VIRAC, CATANDUANES – Apat na malalaking lungsod at sampung bayan sa rehiyong Bicol ang bumagsak sa assessment and validation ng DILG kaugnay sa pagpapatupad ng Memorandum Circular 2019-121 o mas kilala sa Public Road Clearing program.
Batay sa inilabas na resulta ng DILG as of October 8, 2019, bagsak na grado ang ibinigay ng DILG Validating Team sa mga syudad ng Naga, Legazpi, Ligao at Tabaco, samantalang sampung munisipyo naman ang bumagsak kabilang ang San Fernando, San Jacinto, Cawayan at Pio Corpuz ng lalawigan ng Masbate; Basud at San Vicente naman mula sa Camarines Norte; Matnog ng Sorsogon; Gainza ng Camarines Sur.
Samantala, Medium Compliance naman ay grado ng ilang munisipyo sa lalawigan ng Catanduanes kasama ang mga bayan ng Panganiban, San Andres, Bato at San Miguel. Sa kabilang dako, Low compliance o mababang pagtupad ang natamo ng Virac, Bagamanoc, Baras, Caramoran, Gigmoto, Pandan at Viga.
Ang pagmarka ng DILG sa nasabing accomplishment ay High Compliance, Medium Compliance, Low Compliance at Failed.
Ang nasabing Memorandum Circular 2019-121 ng DILG ay alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Duterte na linisin ang mga lansangan upang kunin ang mga bahagi ng public roads na inuukupa ng mga establisimiyento o kaya ginagamit bilang private property.
Batay sa mandamiyento ng Pangulo sa kalihim ng DILG, huwag umanong magdadalawang-isip na sibakin sa pwesto ang mga pinuno ng LGU na hindi susunod sa nasabing direktiba, maging ito umano ay Punong Barangay, Alkalde o kaya Gobernador. Samantala, inireklamo ni Mayor Johnny Rodulfo ang unang inilabas na listahan ng DILG matapos mabanggit ang kanilang bayan na kasama sa failed, bagay na iwinasto naman ng DILG kalaunan.