BATO, CATANDUANES – Inamin ng Bureau of Local Government Supervision (BLGS) ng DILG ang nagawang pagkakamali nang ilabas ang resulta, kung saan ang bayan ng Bato ay nagraduhan bilang failed sa assessment and validation kaugnay ng public road clearing accomplishment.
Magugunitang FAILED grade ang naging marka ng Bato sa inilabas na resulta ng DILG noong October 8, 2019 at napasama ito sa sampung munisipyo ng Bicol na nagkaroon ng nasabing marka. Kaugnay nito, nagpahayag ng protesta si Bato Mayor Johnny Rodulfo at hinamon niya ang DILG na rebisahin ang resulta ng assessment.
Sa consolidated report para sa lahat ng munisipyo ng Catanduanes, nakakuha ng 85 na rating ang Bato at napasama na ngayon sa medium compliance.
Kasama sa nakakuha ng 90% grado ay ang mga bayan ng Panganiban, San Andres at San Miguel at nabigyan sila ng Medium Compliance para sa road clearing. Ang mga bayan ng Pandan, Gigmoto at Baras ay nakakuha ng 80 at nagkaroon sila ng Low Compliance grade kasama ang mga bayan ng Viga na nakakuha ng 75 at Bagamanoc na nakakuha naman ng 70. Ang Virac ay Low Compliance din ngunit validated ito ng Regional Team.
Batay sa nasabing distribution of ratings na nakasaad sa consolidated report, nagpahayag ng sama ng loob si Mayor Rodulfo kung bakit Failed ang kanilang marka gayong malinaw umanong umabante ang Bato kaysa sa ibang munisipyo.
Ngunit sa pakikipagkita ni DILG Provincial Director Jun Razal sa regional office ng DILG noong nakaraang linggo upang isangguni ang reklamo ng Bato, sinabi nitong inamin ng BLGS ng DILG ang pagkakamali. Dahil dito, kaagad namang naiwasto ang resulta para sa Bato sa pamamagitan ng Memorandum ng DILG Central office upang resolbahin ang nasabing kontrobersiya.
Noong October 15, 2019, binawi ng DILG ang Failed grade ng Bato at nabigyan ito ng Medium Compliance para sa road clearing. Hindi lamang sa bayan ng Bato sa Catanduanes nagkaroon ng sablay na marka ang DILG. Nag-protesta din ang San Fernando ng Masbate dahil sa unang bugso ng pagbibigay ng marka ang Failed din ang nakuha nito. Ngunit sa October 15 results, binago ng DILG ang marka at naging Low Compliance. Ayon kay Mayor Rodulfo, dapat umanong naging maingat ang DILG sa pagsusuri ng scoresheet lalo na sa pagpapalabas ng resulta. Sa Failed grade na naibigay sa kanila, hindi lamang umano siya ang napahiya kundi ang buong Bato. Nagtamo rin umano siya ng mga pang-uusig mula sa kanyang constituents dahil sa nasabing resulta.