SAN ANDRES, CATANDUANES – Arestado ang isang 18 anyos na binata matapos nitong tangkaing ipasok sa loob ng bilangguan ang hindi bababa sa 13 gramo ng ipinagbabawal na gamut noong nakaraang linggo sa BJMP San Andres District Jail.
Ayon sa warden ng nasabing jail facility na si SJO4 Raymond Sanchez, nangyari ang insidente alas 2:30 ng hapon noong October 20, 2019 kung saan dumating sa BJMP ang suspek na si Gerald Gianan, 1st-year Food Tech student ng Catanduanes State University, upang dalawin umano ang nakatatandang kapatid na nakakulong dahil sa droga.
Kwento ni Sanchez, masyado umanong kahina-hinala ang pagdating ni Gianan dahil patapos na umano ang oras ng dalaw. Paliwanag niya, kapag araw ng linggo, 9AM-3PM ang oras ng dalaw, at dumating nga ang suspek na halos mag-aalas-tres na ng hapon.
Ganoon pa man, isinailalim sa body search si Gianan bilang Standard Operating Procedure (SOP) bago tuluyang papasukin sa loob. Ngunit nakapkap umano mula sa beywang ni Gianan ang isang solidong bagay at nang ilabas ay tatlong pakete ng pinaghihinalaang shabu na umaabot nga sa mahigit 13 gramo ang timbang.
Kaugnay nito, agad ipinatawag ng BJMP ang San Andres Police para sa kaukulang proseso. Ayon pa sa Warden, hindi naman umano regular na dumadalaw si Gianan sa kapatid nito kaya mataas ang kanilang kumpiyansa na unang pagkakataon umano iyon na may nagtangkang magpuslit ng kontrabando sa loob ng kulungan. Naisampa na sa korte ang kaukulang kaso laban kay Gianan.