VIRAC, CATANDUANES – Inamin ni Acting Governor Shirley A. Abundo sa kanyang 100 Days Report na kulang na kulang ang isandaang araw upang maresolba ang suliranin  sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC).

Sa kanyang Inaugural Address noong ika-1 ng Hulyo, binanggit ni Abundo na siya ang magiging pinakamasayang lider sakaling malutas niya ang problema sa nasabing pagamutan. Ngunit sa aktuwal niyang pagsilip sa estado ng EBMC, at sa mga seryosong suliranin na kinakaharap nito, aminado ang Acting Governor na hindi sapat ang 100 days upang maayos ang hospital.

Mula noon, nagpapatuloy hanggang ngayon ang problema sa gamut gayundin sa supplies sa EBMC. Tuluyan nang kinansela ng probinsiya ang kontrata ng Planet Drugstore na hindi naman umano naging epektibo sa operasyon ng nasabing pagamutan upang maresolba ang partikular na problema. Nariyan pa rin ang umano’y paksiyon sa mga empleyado ng EBMC, ang kontrobersiyal na usapin kaugnay sa Private Practice ng mga Medical Consultants sa kanilang paying patients kung saan nagdaragdag umano mula 500 hanggang 800 pesos per day ang pasyente upang bayaran, as private service, ang mga duktor ng gobyerno.

Ang pinakahuling problema ng nasabing hospital ay ang nakaambang downgrading nito mula sa isang Level 2 hospital pababa sa Level 1 hospital. Kapag nangyari, ang EBMC ay magiging kapantay na lamang ng ilang District Hospitals sa lalawigan kung saan allowed lamang para sa 40-bed capacity.

Ganoon pa man, sinisikap umano ng pamunuan ni Acting Governor Abundo na mapunuan ang kakulangan ng EBMC bago tuluyan ipatupad ito ng DOH. Problema sa personnel ang pangunahing suliranin ng EBMC kaya nahaharap ito sa nasabing panganib. Ngunit sa 100 Days Report ni Abundo, patuloy umano ang kanyang pakikipagpulong kina Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes at EBMC Chief Dr. Vietrez Abella upang makabuo ng solusyon para sa EBMC.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.