CARAMORAN, CATANDUANES – Isangdaan at limampung libong piso (150,000.00) na halaga ng pabuya ang inialok ng lokal na pamahalaan ng Caramoran para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga nasa likod ng pagnanakaw at  pamamaslang sa isang public school teacher.

            Ang biktima ay kinilalang si Mel rose Baloloy y Trilles, 37, may-asawa at isang anak, residente ng Barangay Toytoy at guro ng Tuca-Maysuram Elementary School.

            Sa ulat ng PNP, nangyari ang panloloob sa bahay ng biktima noong Nobyembre 5 ng gabi, kung saan pawang nakatakip umano ng mukha ang dalawang suspek na sinasabing humihingi ng pera sa biktima.  Sinasabing pera ang pakay ng mga suspek subalit nang hindi maibigay ang nais na halaga ditto na inundayan ng  paulit-ulit na saksak ang biktima hanggang sa mamatay.  

            Sa pagbibigay ng pabuya, sinabi ni Caramoran Mayor Glenda Aguilar na kaunting halaga lamang ang 150K katumbas ng katahimikan sa kanyang pinamumunuang bayan, at hustisya para sa biktima.

            Sa inisyal na impormasyon inilahad ng 13 anyos na anak bata,  ang unang suspek umano ay tinatayang may 5’4” hanggang 5’5” na tindig, maputi, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay asul na t-shirt nang isagawa ang krimen, naka-short at armado ng hindi pa nakikilalang kalibre ng baril. Samantala, ang ikalawang suspek ay pareho rin ang taas, fair-complexion din, naka-guwantes at tsinelas.

            Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Mayor Aguilar, nagkatruma umano ang anak dahil sa pangyayari kung kaya’t tinutulungan ito ng MSWD.  Dagdag pa ng alkalde, nakakapagsalita na rin ang bata at nailalahad pa nito ang mga pangyayari  simula ng pumasok ang mga suspek sa bahay dakong alas 8:30 ng gabi hanggang sa igapos ito sa isang kwarto at tinangay naman ang kanyang ina papalabas ng bahay. Narinig umano ng anak na nagsabi ang suspek, “maestro ka wala kang pera?”. Tugon umano ng biktima, kunin na lamang ang ibang mga kagamitan maging ang baboy dahil wala siyang maibibigay na pera. Dinala pa umano ang biktima sa underground ng bahay sa pagpupumilit na magbigay ng pera, subalit nasa 850 pesos lamang ang naibigay sa mga suspek.

            Ang akala umano ng bata, konting oras lamang siyang naidlip matapos siyang talian ng mga suspek sa kamay maging sa bibig. Tila meron umanong pampatulog na inilagay sa tali kung kaya’t sinasabing dalawang oras na pala siyang nakatulog at nang magising umano siya Dakong alas 11 ng gabi, saka lamang siya nakatakbo papalabas at humingi ng saklolo. Nang madiskubre umano ang biktima, sapul ito ng maraming saksak sa katawan na siyang naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Hindi naman nakitaan ng posibleng panghahalay ang biktima.

            Napag-alamang wala sa bahay nang araw na iyon ang asawa ng biktima dahil pumunta ito sa bayan ng Rapu-Rapu Albay para dumalo sa kapamilya nitong patay. Sa pag-uwi ng mister, nakahimlay na ang kanyang asawa dahil sa naturang insidente. Halos matulala naman ang asawa dahil sa naturang karumal-dumal na krimen.

            Patuloy ang isinasagawang mahunt operation ng kapulisan ng Caramoran at panawagan nila ang pakikiisa ng sambayanan ng Caramoran sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungo sa ikalulutas ng krimen. (RAMIL SOLIVERES/Ferdie Brizo)

Baloloy
Advertisement